ni Mai Ancheta @News | August 28, 2023
Pinag-iingat ang mga mamamayan sa pitong lugar sa Western Visayas sa pagkain ng shellfish dahil sa red tide toxin.
Nagpositibo sa paralytic shellfish poison (PSP) o red tide toxin ang sample ng shellfish na kinuha sa pitong lugar.
Kabilang sa mga nakitaan ng red tide toxin batay sa inilabas na abiso ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong August 26, ang Saplan Bay at Mambuquiao at Camanci sa Capiz at Aklan; baybayin ng Panay; Pilar; President Roxas; Roxas City; Gigantes Islands sa Iloilo; at karagatang sakop ng Altavas, Batan at New Washington sa Batan Bay, Aklan.
Nananatili pa ring kontaminado ng red tide toxin ang mga karagatan ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol na naunang idineklara ng BFAR, gayundin sa Dumanquilas Bay sa Zamboanga del Sur.
Nagbabala ang BFAR na hindi ligtas kainin ang lahat ng uri ng shellfish at alamang sa mga nabanggit na lugar.
Ang maaari lamang kainin ay ang isda, squid, hipon at talangka subalit kailangang hugasang mabuti ang mga ito, alisin ang mga lamanloob at hasang bago lutuing mabuti.