top of page
Search

Fini Angela Fernando - Trainee @News | November 30, 2023




Nagkaisa ang mga progresibong grupo para ihirit sa pamahalaan sa isang kilos-protesta na taasan ang sahod ng mga manggagawang Pinoy ngayong ika-160 kaarawan ni Andres Bonifacio.


Ilan pa sa mga panawagan ng mga mamamayang nakilahok ay ang pagbibigay ng suporta sa mga Palestinong nagigipit sa patuloy na pag-atake ng Israel sa Hamas, at tuluyang pagbasura sa oil deregulation.


Magmamartsa ang mga samahan sa paligid ng Mendiola para tapusin ang ilang programa.


Inaasahan din ng mga raliyistang agad na mapakinggan ang kanilang hinaing ng pamahalaan.

 
 

ni BRT @News | July 23, 2023




Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila papaboran ang anumang grupo, tagasuporta man ng gobyerno o nagpoprotesta sa idaraos na ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ayon kay PNP Spokesperson Jean Fajardo, nagbigay ang pamahalaang lungsod ng Quezon ng mga permit sa apat na grupo para sa SONA bukas at pinaalalahanan ang mga ito na sumunod sa mga guideline alinsunod sa ibinigay sa kanilang permits.

Ang mga progresibong grupo ay papayagan lamang na pumosisyon sa may Tandang Sora malapit sa Commonwealth habang ang mga grupong pro-government naman ay sa may harapan ng St. Peter Parish sa may Commonwealth.

Humigit kumulang 2 kilometro ang agwat ng magkabilang grupo para maiwasan ang tensyon na posibleng maging mitsa ng away.


Samantala, hindi rin pinapayagan ang pagsusunog ng effigy o imahe ng personalidad dahil mayroon aniyang batas na nagbabawal sa pagsusunog sa pampublikong lugar.


Bawal din ang pagsira ng effigy dahil maaari itong magdulot ng mabigat na daloy ng trapiko kung saan paiiralin ng PNP ang maximum tolerance sa mga protester.


 
 

ni Zel Fernandez | May 11, 2022



Kasunod ng naging pag-aaklas ng ilang mga kabataan at manggagawa sa harap ng opisina ng Comelec bunsod ng kasalukuyang resulta ng halalan, nakiusap ang Philippine National Police (PNP) sa mga raliyista na gawin ang kanilang kilos-protesta sa tamang lugar.


Ani PNP Director for Operations at Deputy Commander ng Security Task Force for National and Local Elections, P/MGen. Valeriano de Leon, hindi anila pipigilan ang anumang uri ng pagkilos lalo na kung bahagi ito ng malayang paghahayag ng saloobin na naaayon sa pagiging demokratikong bansa ng Pilipinas.


Paliwanag pa ng PNP, iginagalang ng ahensiya ang karapatang maghayag ng saloobin ng bawat Pilipino, salig sa itinatadhana ng Saligang Batas.


Ngunit, apela ni De Leon sa mga nais masagawa ng mga kilos-protesta, maging mahinahon at tiyaking hindi ito magdudulot ng abala sa mas nakararami, lalo pa ngayon na halos normal na muli ang sitwasyon pagkaraan ng eleksiyon.


Kaugnay nito, nauna nang nagbabala si PNP Officer-In-Charge, P/LtG. Vicente Danao, Jr. na sakaling mayroong umanong magmatigas o magpumilit pa ring ipagsawalambahala at labagin ang batas ay gagamitin nito ang buong puwersa upang managot ang mga nasa likod ng anumang uri ng marahas na pamamaraan ng protesta.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page