ni Mary Gutierrez Almirañez | April 11, 2021
Ilalagay na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR Plus Bubble simula bukas, Abril 12 hanggang sa ika-30 ng Abril, ayon sa kumpirmasyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Linggo.
Kabilang din ang Santiago City, Isabela, Quirino province at Abra sa mga lugar na ilalagay sa ilalim ng MECQ.
Matatandaang ibinalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong NCR at mga probinsiya ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna nu’ng ika-29 ng Marso na dapat ay nagtapos noong Abril 4, subalit na-extend nang isa pang linggo.
Ngayong araw, Abril 11, nakatakdang magtapos ang dalawang linggong ECQ sa NCR Plus at simula bukas hanggang sa katapusan ng Abril ay ipapatupad na ang bagong quarantine classifications sa ilalim ng MECQ.
Ayon din kay Roque, bukas niya sasabihin ang mga bagong guidelines sa ilalim ng bagong quarantine classifications.