ni Jasmin Joy Evangelista | January 5, 2022
Walang Traslacion 2022 at walang pisikal na misa sa Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9, 2022 sa Quiapo Church, Manila, ayon kay Mayor Isko Moreno.
Magkakaroon lamang ng online mass para sa nasabing kapistahan.
Sa isang press conference, sinabi ni Moreno na pumabor ang management ng Quiapo Church sa pangunguna ni Monsignor Hernando Coronel na online masses lamang ang isasagawa.
"Ako po’y nagpapasalamat sa ating Monsignor Coronel ng Quiapo sa pagtugon nila sa pakiusap ng pamahalaang lungsod na wala muna tayong Traslacion ngayong taon na ito, at wala rin tayong physical mass, online mass lang tayo,” ani Moreno.
“Mabigat po sa kalooban ko na hindi tayo magmisa ng pisikal, alam natin nakagawian na natin ‘yan. Ipagpapasesnya po ninyo, ito’y para rin naman sa kaligtasan ninyo at ninyong mga anak o pamilya. Maraming salamat sa kaparian ng Quiapo. Uulitin natin, walang traslacion, walang physical mass, online mass tayo,” dagdag niya.
Nakiusap din ang alkalde sa mga deboto ng Itim na Nazareno, kabilang ang Hijos del Nazareno, na sana ay maintindihan ang sitwasyon ngayong taon dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Dahil sa restrictions, ipinagbabawal din ang pagdadala ng replica statues.
“Nauunawaan ko ang damdamin ng ating mga hijos, kahit ho kami, sa Bangkusay, meron din kaming Nazareno, nalulungkot ako na hindi natin magagawa ‘yong dati nating ginagawa,” pahayag pa ni Mayor Isko.
“Nakikisuyo ako, wag po ninyong dadalhin, mahigpit pong ipatutupad ang mga pag-iingat,” aniya pa.
Samantala, sinabi rin ni Moreno na magpapatupad ng liquor ban ang Manila City government mula 6:00 p.m. ng Jan. 8 hanggang 6:00 a.m. ng Jan. 10.