ni Jasmin Joy Evangelista | January 30, 2022
Matapos ang dalawang linggong pagsasara dahil sa COVID-19, muling binuksan sa publiko ang Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa Maynila.
Nasa 30% capacity lamang ang papayagan sa loob ng simbahan habang 50% naman sa labas.
Tuloy pa rin ang online mass na mapapanood ng mga deboto sa Facebook account ng simbahan.
"Patuloy pa rin na pinapaalala namin sa mga pupunta dito sa Quiapo na meron pa ring virus. Patuloy pa rin tayong dapat makiisa at mag-ingat. 'Yung mga basic protocols ay huwag kakalimutan... kahit anong alert level," ani Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church sa isang panayam.
Matatandaang halos buong buwan ng Enero ay sarado ang simbahan dahil ipinagbawal rin ang mga prusisyon at iba pang aktibidad nitong Traslacion ng Poong Nazareno dahil sa dami ng mga nagkakasakit ng COVID-19.