ni Lolet Abania | April 10, 2022
Isasagawa ang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Biyernes Santo, Abril 15, sa pamamagitan ng isang motorcade na susundan ng parehong mga ruta sa Traslacion, ayon sa opisyal ng Quiapo Church ngayong Linggo.
“Lalabas ang Nazareno sa Biyernes Santo pero motorcade ang Nazareno. Hindi po ito hihilahin o maglulubid. Hindi ito sasampahan ng mga hijos o ng mga deboto. Sana maintindihan ng mga deboto na pupunta sa Biyernes,” sabi ni Quiapo Church parochial vicar Fr. Douglas Badong sa isang interview.
Binanggit ni Fr. Badong na ang magiging mga ruta ng Black Nazarene motorcade ay katulad sa normal na ruta na ginagawa sa panahon ng Traslacion.
Ang Traslacion ay isang taunang religious event ng mga debotong Katoliko kaugnay sa tradisyunal na prusisyon ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand pabalik ng Quiapo Church.
“12 midnight ang alis sa Quiapo Church. Lahat ay dapat naka-face mask na sasama sa motorcade at dini-discourage natin ‘yung naka-paa,” paalala ni Fr. Badong.
Matatandaang ang tradisyunal na Traslacion ay muling nakansela, kung saan ikalawang magkasunod na taon ito na hindi isinagawa dahil sa pandemya ng COVID-19.
Sinabi naman ni Fr. Badong na ipinagpatuloy na ng Simbahan ng Quiapo ang karamihan sa kanilang mga aktibidad, partikular na ang Semana Santa. Ang aktibidad na ito ay natigil ng mahigit sa dalawang taon dahil sa panganib ng COVID-19.
“Magkakaro’n ng Senakulo ang mga kabataan. Sa muling pagkakataon, makakapagpalabas na sila ulit under the new normal kasi nga tinitiyak natin ‘yung kaligtasan nila,” saad ni Fr. Badong.
Gayunman, sa kabilang na ang National Capital Region (NCR) ay isinailalim na sa Alert Level 1, aniya, hindi pa rin ipinatutupad ng Quiapo Church sa Manila ang 100% capacity sa loob ng simbahan.