ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 11, 2023
Ibabalik muli ng pamunuan ng Simbahan ng Quiapo o Minor Basilica of the Black Nazarene, ang Traslacion ng Poong Nazareno sa darating na Enero.
"Meron tayong prusisyon ng Nazareno, gagawin 'yan January 9 ng umaga," ayon kay Rev. Fr. Hans Magdurulang, tagapagsalita ng Nazareno 2024.
Dagdag niya pa, magkakaroon ng mga pagbabago sa Traslacion para "maging banal, maging ligtas at maging maayos ang ating pagdiriwang."
Ipinagbabawal na ang pag-akyat sa Nazareno pati na rin ang paghahagis ng mga panyo.
Maglalakad pa rin nang may hatak na lubid ang mga deboto, at susundan ang ruta na ginamit noong 2022.
Magkakaroon din ng mga prayer station at mananatili ang dungaw sa San Sebastian Church at Plaza del Carmen.