ni Zel Fernandez | April 28, 2022
Nais ng Quezon City local government na isailalim sa redevelopment ang sikat na national park and shrine na Quezon Memorial Circle sa Elliptical Road, Diliman, Quezon City.
Sa plano ng lokal na pamahalaan ng QC, ang nasabing redevelopment ay bahagi ng kanilang proyekto na may layuning maibalik ang mga luntiang espasyo sa lungsod, kasabay ang hangarin na mas pagandahin pa ang lugar para sa sports and recreational activities ng mga susunod pang henerasyon.
Pagbabahagi ng QC LGU, batay sa master redevelopment plan, 70% ng QMC ay nakadisenyo para sa malawak na berdeng espasyo ng pook-pasyalan tulad ng picnic grounds, children’s playground, garden, at mga lugar para sa urban farming.
Gayundin, kasama rin umano sa nais pagandahin at isaayos sa Circle ang skate trail, basketball, volleyball, tennis court, at cultural amphitheater. Habang magkakabit din ng mga CCTV cameras para sa mas tiyak na seguridad ng mga namamasyal sa parke.
Samantala, kasama rin sa ikinokonsidera ang itinatayong MRT-7 station sa loob mismo ng Quezon Memorial Circle na maging bahagi ng redevelopment nito.