ni Lolet Abania | October 21, 2021
Pinayagan na ng lokal na gobyerno ng Quezon City ang mga kabataan na nasa edad 17 at pababa na mamasyal sa Quezon City Memorial Circle.
Sa isang advisory na inilabas ng Quezon City government ngayong Miyerkules, maaari nang pumunta ang mga menor-de-edad sa Memorial Circle, subalit dapat na kasama ang kanilang mga magulang o guardian sa lahat ng oras.
Gayunman, ayon sa lokal na pamahalaan kaya lamang mag-accommodate o magpapasok sa loob ng parke ng hanggang 30% ng kapasidad nito.
Una nang inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) nitong Martes ang intrazonal at interzonal travel ng mga menor-de -edad, subalit dapat na may mga kasama ang mga itong adult guardians.
Ang intrazonal travel ay tungkol sa galaw ng mga tao, ng mga goods at serbisyo sa pagitan ng mga lokalidad na nasa ilalim ng parehong community quarantine classification, habang ang interzonal travel ay tungkol naman sa galaw ng mga tao, ng mga goods at serbisyo sa pagitan ng mga probinsiya o lalawigan, highly urbanized cities, at independent component cities sa ilalim ng magkaibang community quarantine classification.
Matatandaang inaprubahan ng gobyerno ang rekomendasyon na isailalim na ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 3 simula noong Oktubre 16 hanggang 31.
Sa ilalim ng Alert Level 3, maraming establisimyento ang pinayagang mag-operate ng 30% ng indoor venue capacity na para lamang sa mga fully vaccinated individuals at 50% ng outdoor venue capacity, subalit dapat na ang lahat ng mga empleyado nito ay fully vaccinated na.
Gayundin, pinag-igsi ang curfew hours sa Metro Manila ng 12 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw simula noong Oktubre 13.