ni Lolet Abania | July 26, 2021
Daan-daang raliyista mula sa iba’t ibang grupo ang nagsagawa ng ‘unity march’ mula University of the Philippines sa Diliman, Quezon City hanggang Commonwealth Avenue ilang oras bago ang inaabangang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes.
Sa isang video, makikita ang isang 2D effigy na gawa ng UGATLahi Artist Collective, kung saan inilalarawan si Pangulong Duterte habang nananatili sa kapangyarihan na nasa unahan ng mga raliyista na nagmamartsa.
Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes, Jr., ang kanilang ginawang protesta ay tinawag na, “WakaSONA,” habang ipinaparada nila ang “50 comics” sa kahabaan ng nasabing lugar.
Gayunman, sinabi ni Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar na lahat ng law enforcers ay magpapatupad ng maximum tolerance sa mga protesters.
Sinabi ni Reyes na hindi sila sang-ayon sa plano ni P-Duterte na pagtakbo sa May 2022 elections dahil tila nagsasagawa umano ng isang political dynasty. Nais din ng grupo na ito na ang huling SONA ni Pangulong Duterte.
“Hindi na siya dapat mabigyan ng panibagong 6 na taon sa puwesto at magtatag ng Duterte-Duterte dynasty sa Malacañang,” ani Reyes.
Pahayag pa ni Reyes, nagpoprotesta sila dahil sa pagkabigo umano ng pamahalaan na maresolbahan ang COVID-19 pandemic, ang human rights abuses na may kaugnayan sa drug war ng Pangulo, korupsiyon sa gobyerno at ang pakikipagmabutihan ni P-Duterte sa China.
Gayunman, ayon kay Reyes, patuloy na inoobserba ng grupo ang minimum health standards kontra-COVID-19.
Samantala, tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa publiko na ang huling SONA ni Pangulong Duterte ngayong Lunes ay nakatuon sa pagtahak tungo sa recovery ng bansa sa pandemya.