ni Jasmin Joy Evangelista | September 9, 2021
Nagpositibo sa COVID-19 ang 122 indibidwal sa isang orphanage sa Quezon City, ayon kay Mayor Joy Belmonte.
Sa isang panayam, sinabi ni Belmonte na 99 sa mga ito ay mga kabataan na nasa edad 18 pababa sa Gentlehands Orphanage sa Barangay Bagumbuhay.
Ayon kay Dr. Rolando Cruz, chief ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), isa umanong tao ang bumisita sa lugar at hindi alam na siya ay positibo sa Covid dahil asymptomatic.
“Kailangang mapanatili ng mga ganitong closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok sa kanila ay madaling mahahawa ang lahat,” ani Cruz.
Samantala, sinabi naman ni Belmonte, “Mariin nating ipinapaala na ang hindi pagsunod o hindi pagpapatupad ng minimum public health protocols ay paglabag sa RA 11332. Dapat maging mahigpit ang ating persons in authority sa pagpapatupad nito para maiwasan natin ang pagkalat ng virus.”
Kasalukuyan na rin daw inaasikaso ng Quezon City LGU ang mga pangangailangan ng mga nagpositibo at buong pasilidad.
Isinasagawa na rin ang swab testing at contact tracing sa nasabing lugar.