top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 14, 2021





Inilabas na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga bagong guidelines na ipatutupad sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ‘with heightened restrictions’ sa NCR Plus Bubble at iba pang lugar simula May 15 hanggang 31, ayon sa inianunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque kagabi.


Kabilang sa pinahihintulutan ay ang mga sumusunod:


• 20% capacity sa mga indoor dine-in services at 50% capacity sa outdoor o al fresco dining

• 30% capacity sa mga outdoor tourist attraction

• 30% capacity sa mga personal care services, katulad ng salon, parlor at beauty clinic

• 10% capacity sa mga libing at religious gathering

• Pinapayagan na rin ang outdoor sports, maliban sa may physical contact na kompetisyon


Mananatili pa rin namang bawal ang mga sumusunod:


• entertainment venues katulad ng bars, concert halls, theaters

• recreational venues, katulad ng internet cafes, billiard halls, arcades

• amusement parks, fairs, playgrounds, kiddie rides

• indoor sports courts

• indoor tourist attractions

• venues ng meeting, conference, exhibitions


Higit sa lahat, bawal magtanggal ng face mask at face shield kapag nasa pampublikong lugar. Bawal ding lumabas ang mga menor-de-edad at 65-anyos pataas, lalo na kung hindi authorized person outside residency (APOR).


Patuloy pa ring inoobserbahan ang social distancing sa kahit saang lugar at ang limited capacity sa mga pampublikong transportasyon.


Maliban sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna ay isasailalim din sa GCQ ang Apayao, Baguio City, Benguet, Kalinga, Mountain Province, Abra, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Quezon, Puerto Princesa, Iligan City, Davao City, at Lanao del Sur hanggang sa katapusan ng Mayo.


Mananatili naman sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Santiago City, Quirino, Ifugao, at Zamboanga City.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 8, 2021



Nagpositibo sa COVID-19 si Quezon 3rd District Representative Aleta Suarez, ayon sa Facebook post ng Quezon Public Information Office ngayong Sabado.


Saad ni Aleta, “Nais ko pong ipabatid sa inyo na ang inyong lingkod ay sumailalim sa RT-PCR Test noong Mayo 6, 2021, alinsunod sa protocol ng Department of Health (DOH), bilang isang close contact ng aking kabiyak at gobernador ng Quezon, Gov. Danilo Suarez na naunang nagpositibo sa COVID-19.


“Lumabas po ang resulta kahapon, Mayo 7, 2021 at ako po ay nagpositibo rin sa COVID-19.”


Ayon kay Aleta, siya ay asymptomatic at naka-isolate sa kanilang tahanan.


Nanawagan din siya sa mga nakasalamuha niya at pinayuhang mag-self-quarantine.


Aniya, “Sa akin pong mga nakasalamuha at mga naging close contact nitong mga nakaraang araw, kayo po ay pinapayuhang mag-self-quarantine at mag-monitor ng inyong kalusugan.


“Kung kayo po ay nakararanas ng anumang sintomas ng COVID-19, agad itong ipagbigay-alam sa inyong mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) upang kayo ay mabigyan ng kaukulang medikal na atensiyon at sumailalim sa test kung kinakailangan.”


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 29, 2020



Tatanggap ng P500,000 pabuya ang sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa likod ng pamamaril sa dating Pagbilao, Quezon mayor na si Romeo Portes.


Pahayag ni Mayor Shierre Ann Portes–Palicpic, anak ng biktima, “Sa tulong ng mga kaibigan, kamag-anak, nakalikom po kami ng halagang kalahating milyong piso na laan naming ibigay bilang pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa agarang pagkahuli ng nagplano at nagsagawa ng krimeng ito laban sa aming ama.”


Noong Martes, binaril si Portes ng hindi pa nakikilalang mga salarin na sakay ng pulang motorsiklo habang nakaupo sa labas ng bahay ang biktima sa Barangay Bukal.


Sa CCTV footage, nakita ang pagdating ng mga suspek at kinausap pa umano ang biktima at saka binaril. Nagsagawa na rin ng operasyon ang mga awtoridad upang matukoy at mahuli ang suspek sa pamamaril kay Portes na kasalukuyang nasa ospital.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page