top of page
Search

ni Lolet Abania | July 8, 2021


Sumiklab ang sunog sa isang tirahan sa Barangay Zone 4, Atimonan, Quezon ngayong Huwebes nang umaga.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Atimonan, itinaas sa ikatlong alarma ang naturang sunog.


Agad na rumesponde ang mga bumbero mula sa Gumaca, Unisan at Lucena City.


Sa ulat, pasado alas-10:00 ng umaga nagsimula ang sunog habang mabilis na kumalat ang apoy dahil sa gawa sa kahoy ang malaking bahagi ng bahay kasabay ng malakas na hangin, at magkakadikit ang mga tirahan sa lugar.


Agad namang nagbayanihan ang mga residente ng Atimonan, kung saan nagtulung-tulong sila para punuin ng tubig ang isang fire truck na naubusan.


Dalawang bahay ang labis na naapektuhan ng sunog at hindi na gumapang ang apoy sa ibang bahay.


Bandang alas-12:00 ng tanghali nang ideklarang under control ang sunog habang alas-12:20 ng hapon naman idineklarang fire out.


Patuloy pang inaalam ng BFP Atimonan ang naging sanhi ng sunog at halaga ng natupok na ari-arian.


Wala namang nasawi sa sunog subalit dalawa ang naiulat na nasugatan. Magbibigay naman ng tulong ang local government unit (LGU) ng Atimonan sa mga nasunugan.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 31, 2021



Patay ang dalawang motorista at 7 ang sugatan matapos magbanggaan ang isang truck at AUV sa Gumaca, Quezon ngayong Lunes nang madaling-araw.


Ayon sa Gumaca police, bumangga ang Isuzu Elf truck na patungong Maynila na minamaneho ng kinilalang si Michael Angelo Lazaro sa isang Toyota Innova na patungong Bicol na minamaneho ni Rolando Florano ngayong araw, bandang 1:30 AM sa intersection ng Barangay Bagong Buhay at Pipisik.


Dahil sa bilis ng pagmamaneho ng dalawang drivers, malakas ang pagbangga at tumilapon ang sasakyan ni Florano sa isang poste.


Idineklara namang dead on arrival sa ospital ang dalawang nasawi sa insidente na sina Romel Periabras at Howard Ojenal na parehong sakay ng Innova, ayon kay Gumaca Police Chief Major Hobart Sarmiento.


Bukod sa dalawang nasawi ay sugatan din sa insidente ang iba pang sakay ng Innova kabilang na ang driver nito na kaagad isinugod sa ospital.


Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide, multiple physical injuries and damage to property ang driver ng truck na nagtamo ng minor injuries.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 15, 2021




Lumubog sa dagat ng Ungos, Real, Quezon ang service boat ng Department of Agriculture (DA) na may lamang 2 kahon ng COVID-19 vaccines, na nakatakda sanang i-deliver sa Municipal Health Office ng Quezon.


Batay sa incident report ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon, nangyari ang insidente nu’ng ika-13 ng Mayo pasado alas-7 nang umaga, kung saan kabilang sa mga nakasakay sa service boat ay ang 2 personnel ng Department of Health (DOH), 2 police officers ng Polillo Municipal Police Station (MPS), kasama ang kapitan at ang motorman ng bangka.


Ayon pa sa PCG, ganap na 8:30 nang umaga nang ma-rescue sa dagat ang mga pasahero at ang COVID-19 vaccines.


Tiniyak naman ng DOH personnel na na-secure nila ang mga kahon ng bakuna at siniguradong hindi iyon na-damage.


Matatandaang napaka-sensitive ng bawat COVID-19 vaccines, kung saan bawal iyon matagtag o maalog dahil masisira kaagad. Kaya naman, sa tuwing idine-deliver ang mga bakuna sa storage facility ay tinitiyak ng driver na patag ang kalsadang daraanan upang maiwasan ang baku-bakong lugar.


Kamakailan lang din nu’ng iulat na mahigit 348 vials ng bakuna ang nasira nang dahil naman sa brownout.


Sa ngayon ay ligtas namang naihatid ang 720 doses ng COVID-29 vaccines sa health office ng Polillo at ang 920 doses sa health office ng Bordeos, Quezon.


Samantala, hindi naman binanggit ang brand ng COVID-19 vaccines na iniahon mula sa lumubog na bangka.


Paglilinaw pa ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakadoble ang plastik ng kahon at maayos nilang ipina-package ang mga bakuna bago i-deliver.


Kaugnay nito, pinaaalalahanan din ni Vergeire ang bawat local government units (LGU) na huwag lagyan ng pagkain ang refrigerator na pinag-iimbakan ng COVID-19 vaccines.


"Makikita natin, baka 'yung ibang local governments, dahil mayroon tayong 2 to 8 degrees lang na mga bakuna, baka naisasama sa mga pagkain sa refrigerator at hindi po ito tama," sabi pa niya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page