top of page
Search

ni Lolet Abania | February 16, 2022



Labing-anim na indibidwal ang nasugatan matapos na bumagsak sa halos 100 metro ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep mula sa roadside cliff o bangin sa tabing daan sa Pagbilao, Quezon bago magmadaling-araw ngayong Miyerkules.


Kinilala ng Police Regional Office-4A ang 12 sa mga biktima na sina Ronnel Francia, 28, driver ng jeep; Benz Jomar Fuentes, 23; John Cedric Gardon, 15; Gina Lozano, 52; Sharmaine Corino, 26; Noli Francia, 18; Beah Grace Camacho, 10; Anabel Camacho, Jose Camacho, Cherry Samson, Solen Samson, Analyn Arnejo na agad isinugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City.


Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, inararo ng pampasaherong jeep ang mga barrier na nasa tabi ng daan bago tuluyang mahulog sa Zigzag Road sa Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon.


Ayon sa director ng Quezon Police Provincial Office na si Police Col. Joel Villanueva, ang mga biktima ay nanggaling sa isang kasalan sa San Jose, Camarines Sur, at pauwi na sana sa kanilang tirahan sa Dasmariñas, Cavite nang maganap ang aksidente.


Base sa paunang impormasyon, nagkaroon ng malfunction ang brakes nito, saka inararo ng naturang sasakyan ang mga barriers at diretsong nahulog sa bangin.


Ayon sa mga awtoridad, naging pahirapan sa mga rescuers ang pagsagip sa mga biktima dahil hindi lamang sa malalim ang bangin, kundi ginawa ang rescue operation sa masukal na lugar habang madilim pa ng mga oras na iyon.


Karamihan sa mga biktima ay nagtamo ng head injury at bone fracture, kung saan ayon sa pulisya wala namang nai-report na nasawi sa insidente.


 
 

ni Lolet Abania | August 27, 2021



Patay ang dalawang batang babae matapos na ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Barangay Manggagawa, Guinayangan, Quezon ngayong Biyernes.


Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Guinayangan, sumiklab ang apoy pasado ala-1:00 ng madaling-araw ngayong Biyernes, kung saan umabot sa 39 kabahayan ang natupok habang tinatayang nasa 50 pamilya ang apektado ng sunog.


Itinaas naman sa ikalawang alarma ang sunog habang kinailangan pa ang tulong ng ibang mga bumbero sa karatig-bayan para tuluyang maapula ang apoy.


Kinilala ng BFP ang mga nasawi na sina Michaela Avellanosa, 15-anyos at Melissa Joy Dela Cruz, 4-anyos.


Paliwanag ng ina ni Melissa na si Imelda, iniiwan nilang mag-asawa sa bahay sina Melissa at Michaela para manguha ng isda sa bayan ng Calauag. Araw-araw umano nila itong ginagawa dahil sa kanilang hanapbuhay.


Nakuha ang bangkay ng dalawang bata na magkayakap pa sa bahagi ng kuwarto kung saan sila natutulog.


Ayon naman sa ina ni Michaela na si Marissa, sinubukan pa niyang iligtas ang mga bata subalit mabilis na kumalat ang apoy, kung saan nasugatan ang braso nito matapos na mapaso.


Patuloy ang imbestigasyon ng BFP para tukuyin ang naging dahilan ng sunog. Tinatayang nasa P800,000 ang halaga ng napinsala dahil sa sunog.


Agad namang nagpaabot ng tulong sina Guinayangan Mayor Cesar Isaac at ang tanggapan ni Representative Angelina Tan ng Quezon province.


 
 

ni Lolet Abania | August 17, 2021



Nakapagtala ang lalawigan ng Quezon ng walong kaso ng Delta variant ng COVID-19.


Sa interview kay Governor Danilo Suarez sa Laging Handa briefing ngayong Martes, sinabi nitong apat sa Delta cases ay mula sa munisipalidad ng Dolores at nakarekober na ang tatlo rito.


Ang iba pang kaso ng Delta variant ay mula naman sa Sariaya, Tiaong at Real.


“The total cases of the [Delta] variant is only at eight in the whole province,” ani Suarez.


Sa ngayon, ayon pa kay Suarez, mayroong 1,262 active cases ang probinsiya at may kabuuang bilang na 18,321 kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Naitala naman na 16,195 ang nakarekober habang 864 ang nasawi sa virus.


Ang mga munisipalidad na may pinakamataas na bilang ng active COVID-19 infections ay Candelaria na 313, Lucena na 246, Sariaya na 166, at Tayabas na may 115 kaso.


Kaugnay nito, umapela na si Suarez sa national government para sa karagdagang COVID-19 vaccines sa kanilang lalawigan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page