top of page
Search

ni Lolet Abania | March 22, 2022



Ipinahayag ni Quezon Governor Danilo Suarez na magbibigay sila ng P1 milyong halaga ng pabuya sa sinuman na makapagtuturo sa pagkakakilanlan ng suspek at nasa likod ng tangkang pagpatay kay Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America.


Nakalabas na ng ospital si America habang kasalukuyang nagpapalakas sa kanyang tirahan.


Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng suspek sa tangkang pagpaslang sa alkalde.


Ilan sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya ay may kaugnayan sa pulitika at ang isyu ng Kaliwa Dam.


Matatandaan noong Pebrero 27, pinagbabaril ng hindi nakikilalang suspek ang sasakyan ng 60-anyos na si America sa Barangay Poblacion 1, Infanta, matapos na dumalo ito sa isang Church service. Nagtamo si America ng apat na tama ng bala ng baril, subalit nakaligtas ito sa ambush. Nakatakas naman ang suspek matapos ang insidente.

 
 

ni Lolet Abania | February 27, 2022



Pinagbabaril si Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America habang nasa loob ng kanyang kotse ng hindi nakikilalang suspek ngayong Linggo, ayon kay Governor Danilo Suarez.


Sinabi rin ni Suarez na nagtamo si America ng apat na tama ng bala ng baril sa katawan.


“There was an attempt on the life of the mayor of Infanta, Mayor Grace America,” ani gobernador.


“She was in the car and there were four gunshots. Apat na putok [four shots],” dagdag ni Suarez.


Ayon kay Police Regional Office 4A (Calabarzon) Regional Director Police Brigadier General Antonio Yarra, galing sa simbahan si America ngayong Linggo at pasakay na sana ng kanyang kotse nang biglang pagbabarilin ng armadong suspek bandang alas-11:00 ng umaga.


Binanggit naman ni Suarez na si America ay naghihintay na ngayon sa isang ospital sa Infanta para ilipad ng eroplano at dalhin sa isang medical facility sa Manila.


"Wala akong alam kung sino-sino gustong manakit kay Grace eh but [baka] political enemy 'yan,” sabi ni Suarez.


Tiniyak naman ni Suarez na agad siyang magbibigay ng updates para i-post sa Facebook ang kondisyon ng mayor.


Sa umabas na mga larawan na nai-post sa Twitter, makikita ang mga tama ng bala sa kanang bahaging unahan ng bintana ng sasakyan ng alkalde.


Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

 
 

ni Lolet Abania | February 21, 2022



Isa ang nasawi habang dalawa pang police personnel ang kumpirmadong nasugatan matapos na ang helicopter ng Philippine National Police (PNP) na kanilang sinasakyan ay bumagsak sa Real, Quezon ngayong Lunes ng umaga.


Kinilala ng Real Municipal Police Station (MPS) ang nasawing biktima na si Police Patrolman Allen Noel Ona, habang sugatan naman sina Police Lieutenant Colonels Michael Melloria at Dexter Vitug na agad na dinala sa Claro M. Recto Hospital sa Infanta, Quezon.


Batay sa initial report, ang mga biktima ay lulan ng PNP Airbus H125 helicopter RP-9710, na umalis sa Manila Domestic Airport ng alas-6:17 ng umaga para sunduin si PNP chief Police General Dionardo Carlos.


Alas-8:15 ng umaga, nakatanggap naman ang Real MPS ng isang report mula sa PNP Air Unit tungkol sa chopper na bumagsak umano sa Purok Mayaog, Barangay Pandan.


Agad na rumesponde ang mga tauhan ng lokal na pulisya, Bureau of Fire Protection (BFP), at Municipal Action Center (MAC) sa lugar para beripikahin ang report.


Naging pahirapan at natagalan ang mga awtoridad sa pagpapadala ng mga reports dahil sa ang naturang lugar ay walang signal coverage.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page