top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 13, 2021



Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Huwebes nang gabi ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim ang NCR Plus na binubo ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna sa general community quarantine "with heightened restrictions" simula sa May 15 hanggang 31.


Isasailalim din sa GCQ ang Apayao, Baguio City, Benguet, Kalinga, Mountain Province, Abra, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Quezon, Puerto Princesa, Iligan City, Davao City, at Lanao del Sur.


Modified enhanced community quarantine naman ang ipatutupad sa City of Santiago, Quirino, Ifugao, at Zamboanga City.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 20, 2021




Magpapatuloy ang operasyon ng LRT-1 sa ika-24 at 25 ng Abril, taliwas sa unang pahayag na mahihinto iyon dahil sa naka-schedule na maintenance, ayon sa paglilinaw ng Light Rail Manila Corporation (LRMC).


Paliwanag pa ni LRMC Chief Operating Officer Enrico Benipayo, "Our Engineering team did their best to accelerate and compress activities though improved planning and coordination. LRT-1 will no longer need another 1-weekend shutdown and will be back to serve our passengers this coming weekend."


Iginiit din niya na walang magbabago sa schedule ng mga tren mula 4:30 nang umaga hanggang 9:30 nang gabi kada araw.


Sa ngayon ay limitado pa rin ang kapasidad ng mga pampublikong sasakyan, kabilang ang mga tren dahil sa ipinatutupad na quarantine restrictions at health protocols sa NCR Plus.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 18, 2021



Nakapagtala ang Department of Health ng mga karagdagang kaso ng UK variant, South African variant at P.3 variant ng COVID-19 mula sa mahigit 752 indibidwal na isinailalim sa test, batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH, katuwang ang University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH).


Ayon sa ulat, 266 ang nagpositibo sa UK variant ng COVID-19, kung saan 11 sa kanila ay mga OFWs, habang ang 188 ay local cases at ang 67 nama’y bine-verify pa. Dulot nito, umabot na sa 658 ang naitalang UK variant o ang B.1.1.7 linage ng COVID-19. Sa nabanggit na kaso, 204 sa kanila ay mga gumaling, habang 8 ang pumanaw at ang 54 ay nananatiling aktibo sa sakit.


Samantala, 351 ang nagpositibo sa South African variant o B.1.351 linage. Kabilang dito ang 15 na OFW at 263 na local cases, habang bina-validate pa ang identity ng 73 na nagpositibo. Umakyat naman sa 695 ang kabuuang bilang ng nasabing variant, kung saan 4 ang namatay at ang 293 ay gumaling na.


Dalawampu’t lima rin ang nadagdag sa P.3 variant, kaya umabot na sa 148 ang naitalang kaso nito. Tinatayang 21 sa nagpositibo ay local cases, habang ang 2 nama’y OFWs at inaalam pa ang pinanggalingan ng natitira.


Sa kabuuang bilang, pumalo na sa 926,052 ang mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa, kung saan 203,710 ang aktibong kaso, habang 706,532 ang lahat ng gumaling at 15,810 ang mga pumanaw.


Sa ngayon ay isinasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR Plus at inaasahang bababa pa ang hawahan ng virus dahil sa ipinatutupad na health protocols at quarantine restrictions.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page