ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 23, 2021
Kinakailangan pa ring gumamit ng color-coded quarantine passes sa Caloocan City sa pagsasailalim sa National Capital Region (NCR) sa modified enhanced community quarantine (MECQ), ayon sa lokal na pamahalaan.
Ang paggamit ng mga color-coded quarantine passes ay ipagpapatuloy upang malimitahan umano ang bilang ng mga taong lumalabas para bumili ng mga pangunahing pangangailangan, ayon sa LGU.
Saad pa ni Caloocan City Mayor Oscar "Oca" Malapitan, "Nasa desisyon ng LGU ito. Hangga't hindi natin binabawi ang ating kautusan hinggil sa paggamit ng quarantine pass ay patuloy pa rin ang implementasyon nito.”
Ayon pa sa LGU, mahigpit pa ring ipatutupad ang stay-at-home policy sa mga unauthorized persons outside residence.
Saad pa ni Malapitan, "Ang simpleng pagtiyak natin na ang ating mga anak ay nasa loob ng ating mga tahanan ay malaking tulong sa ating kapulisan at maging sa ating pamahalaang lokal. Muli, magtulungan tayo laban sa COVID-19.”