ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 19, 2021
Umabot na sa 50% ang kapasidad ng mga quarantine facilities para sa kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, ayon kay Public Works Secretary Mark Villar ngayong Biyernes.
Saad ni Villar, “Sa ngayon po sa NCR, medyo mataas lang ‘yung usage ng mga quarantine facilities natin at 50% pero sa ibang lugar, hindi pa masyadong mataas.
Ang national average natin is about 16%.” Samantala, nangako naman si Villar na tataasan pa ng pamahalaan ang kapasidad ng mga COVID-19 quarantine facilities.
Aniya, “By next month, the target is for us to have 720 facilities with 26,099 beds.”
Sa ngayon ay mayroon nang 602 isolation facilities ang bansa na may total bed capacity na 22,352. Pahayag pa ni Villar, “We will continue to plan for more facilities as the need arises.”