ni Angela Fernando - Trainee @News | January 16, 2024
Tinitingnan ng Quezon City Police District ang paggawa ng legal na aksyon laban sa mga sibilyang pinaghihinalaang nagpapakalat ng mga video kaugnay sa pagkamatay ng beteranong aktor na si Ronaldo Valdez.
Nagpahayag si Police Colonel Jean Fajardo na sinabi ni QCPD Police BGen. Rederico Maranan na may ilang natukoy na sibilyan ang sangkot sa pagpapakalat ng nasabing video.
Dagdag ni Fajardo, patuloy ang imbestigasyon sa insidente, at kahit na pangunahing layunin ang pagkuha ng mga video sa lugar at bahagi ng kanilang protocol, maliwanag na may pagkakamali sa naging proseso.
"Hindi po natatapos sa public apology ang ginagawa ng QCPD," ani Fajardo.
Ayon sa ulat ng QCPD, limang pulis na sangkot sa imbestigasyon ay haharap sa administratibong kaso, kabilang ang neglect of duty, grave misconduct, at paglabag sa Cybercrime Law.
Personal namang tumawag si Maranan sa aktor at singer na si Janno Gibbs pagkatapos ng kanyang press conference nu'ng Lunes upang opisyal na humingi ng paumanhin.