top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 17, 2023




Inilarawan ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Redrico Maranan na “generally peaceful” ang unang araw ng transport strike sa lungsod na isinagawa ng mga grupo ng transportasyon noong Lunes, Oktubre 16.


Sinabi ni Maranan na walang naitalang karahasan o hindi magandang pangyayari kaugnay ng transport strike.


Ayon sa hepe ng pulisya, ang bilang ng mga pulis na inilagay sa mga lugar ng protesta at ang suporta at pagsisikap ng lokal na pamahalaan ay nakatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kasagsagan ng transport strike.


Naglagay din ang QCPD ng mga checkpoint upang siguruhing ligtas ang mga nagpoprotesta at mga commuters.


Naglaan din ang pulisya ng mga "Libreng Sakay" na trak para maghatid ng mga stranded na pasahero sa lungsod, lalo na ang mga mag-aaral, dahil walang city-wide suspension ng klase na ipinatupad ang pamahalaang lungsod.


Iba't ibang grupo ng transportasyon ang naglunsad ng nationwide transport strike noong Oktubre 16-17 upang iprotesta ang alegasyon ng katiwalian sa pagbibigay ng prangkisa sa mga public utility vehicle (PUV) at ang PUV Modernization program na layuning palitan ang tradisyonal na mga dyipni ng mga bago at eco-friendly na sasakyan.


“I guarantee to everyone that the entire force of QCPD is always prompt in the implementation of its public safety and security plan throughout,” pahayag ni Maranan.


Pinuri rin niya ang kanyang mga tauhan sa kanilang organisasyon at kakayahan sa pagpatrolya at pagsusuri ng kanilang mga nasasakupan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na pangyayari.


Nagpasalamat din ang hepe sa pamahalaang lungsod para sa matagumpay na paglalagay ng service vehicles upang tulungan ang mga stranded na commuter sa kasagsagan ng transport strike.



 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 14, 2023




Tumaas ng 108.27% ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Oktubre 7 ng taong ito kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Quezon City local government unit ngayong Sabado.


Base sa Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance, mayroong 277 na kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Oktubre 7, 2023.


Ang District 2 ang may pinakamaraming kaso na may 72. Samantala, ang District 5 naman ang may pinakakaunting kaso na may 28.


Samantala, ayon sa LGU, may 33 kaso ng leptospirosis sa lungsod ang nagdulot ng kamatayan.


Ang mga may sintomas ng leptospirosis ay pinayuhan na agad na pumunta sa pinakamalapit na health center o ospital para sa tamang medikal na atensiyon.


Ang leptospirosis ay isang malubhang impeksiyon na dulot ng leptospira bacteria, na karaniwang inilalabas ng mga hayop sa pamamagitan ng pag-ihi. Karaniwang nakukuha ito sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng mga daga.


Maaari ring magdala ng leptospira bacteria ang mga baka, baboy, at aso. Mahalaga na maging maingat sa mga sintomas ng leptospirosis kapag nakararanas ng paglusong sa baha, lalo na kung may mga sugat sa binti at paa.


Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ang mataas na lagnat, sakit ng ulo, panginginig, pananakit ng kalamnan, pagsusuka, pananakit ng tiyan, pagtatae, at pamamantal. Gayunpaman, may mga apektadong indibidwal na maaaring walang anumang sintomas.



 
 

ni Jeff Tumbado | April 29, 2023




Pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista ang groundbreaking ceremony para sa Contract Package 102 (CP 102) ng Metro Manila Subway Project (MMSP) o ang underground subway stations sa Quezon Avenue Station at East Avenue Station.


Sa seremonya, binigyang-diin ni Bautista ang napakaraming benepisyong hatid para sa bawat Pilipino ng kauna-unahang subway sa bansa, sa oras na operational na ito.


“The subway will not only provide comfort and convenience but also generate jobs. It will definitely be comfortable, affordable, safe, sustainable and accessible,” ani Bautista.


"The whole subway will connect with different railway networks, such as LRT 1, MRT 3, MRT 7 and the Grand Common station. It will also connect with LRT 2 at Anonas Station. It will also connect with two stations of the North-South Commuter Rail. We expect the subway to be operational by 2028," dagdag ng Kalihim.


Oras na matapos ang subway, mas magiging mabilis, maginhawa, at seamless na ang biyahe mula at patungong Valenzuela at NAIA—dahil mula isang oras at sampung minuto ay magiging 45 minuto na lamang ang travel time rito.


May kakayahan ding maka-accommodate ang subway ng 519,000 na mga pasahero kada araw.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page