ni Angela Fernando @News | July 31, 2024
Pumirma ang 22 sa 23 senador sa resolusyong humihimok sa gobyerno na pansamantalang ipatigil ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), na ngayon ay tinatawag na Public Transport Modernization Program (PTMP).
Lahat ng senador maliban kay Senador Risa Hontiveros ay pumirma at may-akda ng mungkahing Senate Resolution 1096. Hindi pa ipinaliliwanag ni Hontiveros kung bakit hindi pa niya pinipirmahan ang panukala.
Sinabi ng mga senador sa PSR 1096 na ang programa ay dapat pansamantalang isuspinde habang hindi pa nareresolba ang mga lehitimo at agarang suliranin na inihain ng mga apektadong driver, grupo, union, at transport cooperatives, na may layuning masiguro ang mas epektibo at inklusibong pagpapatupad ng PTMP.
Binigyang-prayoridad ng mga mambabatas ang mga alalahaning inihain ng iba't ibang transport groups na kanilang tinutukoy na kakulangan sa PTMP na hindi pa natutugunan ng Department of Transportation (DOTr).