top of page
Search

ni Lolet Abania | November 7, 2021



Pinayagan na ang mga bata at mga matatanda na sumakay sa mga pampublikong transportasyon kasabay ng pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 2, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Linggo.


Sa pahayag ni MMDA Chairman Benhur Abalos, wala nang age restrictions para sa interzonal at intrazonal travel sa ilalim regulasyon ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19.


“Ang sabi sa’kin ni (DOTr) Usec. Steve Pastor, nagkaroon lamang ng miscommunication sa IACT (Inter-Agency Council for Traffic), pero puwede raw ang mga matatanda at bata sa public transportation,” paliwanag ni Abalos sa isang sa interview ngayong Linggo.

“Klaro po ito, public transports: puwede ang bata, puwede ang matanda,” sabi pa ni Abalos.


Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang kapasidad ng mga pasahero para sa mga piling public utility vehicles (PUVs) at rail lines na nag-o-operate sa Metro Manila at karatig-probinsiya ay itinaas na sa 70% noon pang Nobyembre 4.


Pinayagan na rin ang bata sa mga malls sa Metro Manila simula naman nang isailalim ito sa Alert Level 2 nitong Biyernes.


Una na ring sinabi ng Department of Health (DOH) na dahil ibinaba na ang alert level status inalis na rin ang paglimita sa mga nais na puntahang establisimyento gaya ng mga malls na base sa edad at vaccination status.


Ayon naman kay Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang staycation sa ilalim ng Alert Level 2 ay pinapayagan na rin para sa lahat ng edad.


Gayunman, paalala nina Puyat at Abalos sa publiko na patuloy na sundin ang itinakda ng gobyernong minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face masks.

 
 

ni Thea Janica Teh | December 23, 2020




Mas pinalawig pa ngayong Miyerkules ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline para sa pagpapasa ng aplikasyon sa consolidation ng individual at existing franchise holder sa ilalim ng PUV Modernization Program hanggang March 31, 2021.


Ayon kay DUMPER-PTDA party-list Representative Claudine Bautista, nag-isyu kamakailan ang LTFRB ng Memorandum Circular No. 2020-084 kung saan ipagpapaliban ang deadline nito sa December 31, 2020 at iuusog sa Marso, 2021.


Ang orihinal na deadline nito ay noong Hulyo 31 pa, ngunit napagdesisyunan ng LTFRB na palawigin ito hanggang katapusan ng taon alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Duterte sa National Health Emergency dahil sa COVID-19.


Samantala, ini-request ni Bautista na mas palawigin pa ito dahil hindi pa umano nakare-recover ang public transport industry dahil sa pandemya.


Aniya, “PUV operators and drivers cannot at this moment shoulder the cost that comes with the filing of their application for consolidation. Their current economic situation necessitates that they be given more time to get back to their own feet and fully recover.”


Ibinahagi rin ni Bautista ang Bayanihan to Recover as One Act kung saan hindi pinapayagan ang mga phase out at non-compliance routes.


“I never doubted that the LTFRB will heed the appeal of the public transport sector. The board deserves a commendation from a grateful industry,” dagdag ni Bautista.

 
 

ni Thea Janica Teh | December 5, 2020




Umabot sa P802 milyong halaga ng ayuda ang ipinamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga public utility vehicle (PUV) operators na lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.


Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, may kabuuang P802,860,500 ayuda ang ipinamahagi sa 123,517 PUV units.


Sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2, naglaan ng P1.158 bilyong halaga ng ayuda para sa mga operator ng PUV na nawalan ng mapagkakakitaan sa panahon pandemya.


"Tuluy-tuloy lang po ang pamimigay ng subsidiya sa mga PUV operators na lubhang apektado ang kabuhayan ng kasalukuyang pandemya. Patunay po ito sa nais ng pamahalaan na sila ay tulungang makabangon. Hindi po sila pababayaan habang dumaranas tayong lahat ng pandemya," dagdag ni Delgra.


Samantala, makukuha naman ng 17,612 PUV units ang kanilang ayuda sa mga susunod na araw. Ito ay parte ng P917,338,500 “obligated” fund para sa mga PUV operators.


Sa ilalim ng Direct Subsidy Program, ang bawat operator ay makatatanggap ng P6,500 per PUV unit sa ilalim ng kanilang franchise.


Ngayong Disyembre, nasa P724 milyong halaga ng ayuda na ang naipamahagi para sa 110,000 operators.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page