top of page
Search

ni Jeff Tumbado | February 7, 2023



Palalawigin pa ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang bisa ng mga prangkisa ng mga tradisyunal na jeep sa layong matiyak na walang tsuper ang mapag-iiwanan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.


Kasunod ng huling deliberasyon para sa PUVMP, kinumpirma ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na napagpasyahan ng mga miyembro ng Board na palawigin ang mga prangkisa ng tradisyunal na jeep, sa ikaapat na pagkakataon.


Gayunman, nilinaw ni Guadiz na kailangan munang isapinal ang mga detalye hinggil sa mga alituntunin kaugnay ng pagpapalawig ng bisa ng mga prangkisa ng tradisyunal na jeep.


Tinukoy ni Guadiz na mula sa target na bilang ng mga yunit na ilalahok sa modernisasyon, nasa 60% ng mga jeep ang sumailalim na sa PUVMP, habang 40% ang hinihintay na makalahok sa nasabing programa.


“Hindi namin gustong mayroong maiiwan kaya nais namin na kahit 95% lang ng mga dyip ang maging handa na kapag itinuloy namin ang PUV modernization program,” pagdidiin ni Guadiz.


“However, sa meeting, pag-uusapan din namin kung may mga area na talagang fully-modernized na, baka doon ilatag na namin nang tuluyan ‘yung full modernization (program). But on areas na kulangkulang pa o wala pang modernized jeepney, we will still stick to the traditional jeepney,” dagdag pa ni Guadiz.


Bukod sa hindi pa handa ang lahat ng mga jeep na maging modernisado, sinabi rin ni

Guadiz na isinaalang-alang nila ang iba pang mga problema sa sektor ng transportasyon.


Kabilang na aniya rito ang kakulangan sa mga pampublikong sasakyan na matutugunan sakaling palawigin pa ang bisa ng mga prangkisa ng mga tradisyunal na jeep.


Ayon pa kay Guadiz, naiintindihan ng ahensya na maaaring hindi magkaisa ang mga operator at tsuper para sumali sa iisang kooperatiba kaya’t pinag-aaralan na nila ang posibilidad na magtalaga ng dalawa o tatlong kooperatiba sa bawat isang ruta, na maaaring salihan ng mga operator at tsuper.


Bukod dito, nais din ng ahensya na maging balanse at matiyak na walang operator o tsuper na maiiwan kaya palalawigin din nito ang palugit para sa pagtalima sa mga regulasyon sa ilalim ng PUVMP.


 
 

ni Lolet Abania | March 4, 2022



Mariing ipinaalala ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa publiko na dapat pa ring sumunod sa mga health protocols kaugnay sa COVID-19 sa kabila na niluwagan na ang alert level restrictions sa maraming lugar sa bansa.


Sa isang interview nitong Huwebes, sinabi ni Vergeire na batid ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na wala nang physical distancing sa mga public transportation na pinayagang mag-operate ng 100% capacity.


“Ang isa pang napag-usapan hindi talaga maipapatupad ang physical distancing sa ating mga public transport because kailangan po ng tao eh, para makarating sila sa kanilang mga essential na gagawin,” sabi ni Vergeire.


“Kelangan lang po talaga meron po tayong adequate enforcement. Enforcement to monitor, eto pong mga pagpapatupad ng safety protocols,” dagdag niya.


Iginiit din ni Vergeire na hindi maaaring kumain o uminom at mag-usap-usap sa loob ng public utility vehicles (PUVs) at hindi rin puwedeng tanggalin ang face mask kapag nasa loob ng public transport, kung saan kailangang mahigpit na ipatupad, habang pakiusap niya sa mga operators at drivers ng public transport na hindi dapat lumagpas sa 100% seating capacity lamang ang mga pasaherong kanilang isinasakay.


“Ang naobserbahan po natin for these past days na nag-Alert Level 1 tayo, beyond 100% capacity po ang naipapatupad, wala pong nag-e-enforce, walang nagmo-monitor, katulad sa mga bus, lahat dapat nakaupo, wala na pong nakatayo para hindi masyadong siksikan,” diin ni Vergeire.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 5, 2022



Umabot sa 32 PUV drivers at operators ang hinuli ng Land Transportation Office (LTO) dahil sa paglabag sa minimum health standards laban sa COVID-19 sa unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level 3 sa Metro Manila.


Ayon sa LTO, isinagawa ang mga operasyon noong Lunes sa Caloocan, Malabon, Pasay, Maynila, at Parañaque. Ito ay bilang babala sa mga drayber at operator na hindi pa rin sumusunod sa mga guidelines na inilabas ng transportation department.


Ang mga nahuli ay inisyuhan ng show-cause order.


Kalimitan sa mga ito ay lumabag sa 70% capacity limit.


Daing naman ng ilang drivers, nahirapan silang pigilan ang bugso ng mga pasahero, lalo na kapag rush hour. 


Samantala, nagbabala na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na ang hindi pagsunod ay paglabag sa franchise conditions at maaaring maging dahilan ng pagsuspinde sa prangkisa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page