top of page
Search

ni V. Reyes | March 8, 2023




Itataas sa P260,000 ang halaga ng subsidiya na ibibigay ng gobyerno para sa mga tsuper ng pampasaherong sasakyan upang makabili ng e-jeepney bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng gobyerno.


Sa ilalim ng kasalukuyang programa, nasa P160,000 ang equity subsidy sa bawat drayber na nais na makabili ng modernong PUV unit bukod pa sa halaga ng lumang sasakyang pampasahero nito.


“Dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ang pagtaas ng presyo ng mga gastusin, itataas din ng Kagawaran ang equity subsidy na tinatawag to a maximum amount of P260,000,” pahayag ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor.


Sinabi ni Pastor na plano ng DOTr na itaas ang subsidiya sa ikalawang bahagi ng taong 2023.


Nabatid sa opisyal na ang class 1 modern jeepney ay nagkakahalagang P1.4 milyon hanggang P1.8 milyon habang ang class 2 ay nasa P2 milyon hanggang P2.6 milyon at ang class 3 ay nasa P2.5 milyon hanggang P3 milyon.


Una nang inirereklamo ng ilang transport group sa paglulunsad ng mga ito ng tigil-pasada ay ang implementasyon ng PUV Modernization Program na sinasabing mapapalitan ang tradisyunal na mga jeep ng mas environment-friendly na yunit.


 
 

ni Mylene Alfonso | March 6, 2023




Karamihan sa mga transport group ay nagpahayag ng kanilang pagtutol sa planong isang linggong transport group strike ng Manibela sa Metro Manila simula ngayong araw.


Bukod sa ayaw umano nila ng gulo, nakapanghihinayang din ang ilang araw na walang pasada at magugutom ang pamilya.


Ang mga nagpahiwatig ng kanilang intensyon na huwag sumali sa protesta ang National Federation of Transport Cooperatives (NFTC), Alliance of Transport Operators' & Drivers' Association of the Philippines (ALTODAP), Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) Pasang Masda (PM) Jeepney, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Stop and Go Coalition, Senate Employees Transport Service Cooperative (SETSCO), UV Express National Alliance of the Philippines (UV Express), at ACTO NA CORP.


Bukod sa mga grupong ito, ang NOVADECI Transport Cooperative, Novaliches Malinta Jeepney Transport Cooperative (NMJTC), Malabon Jeepney Transport Cooperative (MAJETSCO), Blumentritt Transport Service Cooperative (BTSC), Metro Valenzuela Transport Cooperative (MVTC), Valenzuela Bignay Meycauayan Transport Cooperative, at KARTUJODA Transport Cooperative ay hindi sasali sa transport group strike.


Sa antas ng rehiyon, tinutulan ng Iloilo City Alliance of Operators and Drivers Transport Cooperative (ICAODTC), Northern Mindanao Federation of Transport Service Cooperative (NOMFEDTRASCO), at Federation of Land Transportation of Zamboanga (Feltranz) ang panawagan ng isang transport group na welga ng Manibela.


Samantala, sisiguraduhin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na magkakaroon ng sapat na pampublikong transportasyon ang commuting public sa panahon ng planong welga ng isang transport group sa Metro Manila.


Maliban sa libreng sakay, libu-libong pulis at traffic personnel ang ipapakalat sa mga strategic areas sa Metro Manila para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at matiyak ang walang harang na daloy ng trapiko sa panahon ng transport group strike.


 
 

ni Jeff Tumbado | March 3, 2023




Tuloy pa rin ang malawakang tigil-pasada ng ilang transport group sa darating na Lunes, Marso 6, kahit pa hindi na matutuloy ang pag-phaseout sa traditional jeepney sa buong bansa sa Hunyo 30.


Ito ang tiniyak ni Mar Valbuena, pangulo ng Manibela, na magsasagawa sila ng isang linggong tigil-pasada bilang protesta sa jeepney modernization program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Ayon kay Valbuena, kahit pa iniurong ng LTFRB ng hanggang Disyembre 31, 2023 ang deadline sa pagkuha ng konsolidasyon ay hindi sila matitinag sa kanilang ipinaglalaban.

Dagdag pa ni Valbuena, hindi pa niya nakikita ang kopya ng dokumento pero may nakapagsabi umano sa kanya na hindi kasama sa mga tinalakay ang solusyon sa kanilang mga karaingan.


“2021 pinutol ang consolidation. May mga iba-ibang transport cooperative tapos nu’ng pinutol ‘yun, ‘di kami natapos, basura na. Back to zero. Ngayon, kung gusto namin sumali, poproseso ulit kami pero doon na sa naunang kooperatiba na nag-comply,” ani Valbuena.


“Ano implications nito? Hindi na kami magiging kooperatiba. ‘Yung mga miyembro po namin na kasama sa kooperatiba sasali sa existing kooperatiba na naunang nakapag-comply o napayagan. Ano mangyayari du’n? Magmimiyembro na naman kami… May membership fee na naman. Panibagong gastos ulit,” paliwanag nito.


Nasa 100,000 public utility vehicles (PUV) ang umano’y lalahok sa welga na maaaring magparalisa sa transportasyon.


Sa ilalim ng programang modernisasyon ng PUV, inoobliga ang mga operator at driver ng mga tradisyunal na jeepney na magbuo o sumali sa kooperatiba para makakuha ng prangkisa, at ng mas mahal, moderno at environment-friendly na jeepney.


Nitong Miyerkules nang ihayag ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz sa ipinatawag na pulong balitaan na maglalabas sila ng bagong memorandum circular na nagsasaad ng pagpapalawig ng deadline ng prangkisa para sa mga tradisyunal na jeepney hanggang December 31, 2023.


Nakatakda sanang mapaso ang naturang mga prangkisa sa darating Hunyo 30.


“To be honest there is no pressure for us for this strike because more than 90% of the transport groups have signified their support to the program of the LTFRB,” pahayag ni Guadiz.


“In deference to the Senate resolution of Senator Grace Poe and to the request of the secretary of the Department of Transportation, we will be extending the deadline to allow the transport sector more time to consolidate,” dagdag pa ng opisyal.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page