ni Mai Ancheta @News | August 4, 2023
Pinanatili ng Department of Budget and Management (DBM) ang alokasyon ng fuel subsidy para sa transport at agriculture sector sa susunod na taon.
Ayon kay Budget Sec. Amenah Pangandaman, pinaglaanan ng P2.5 bilyong pondo ang subsidiya para sa nabanggit na sektor sa isinumiteng 2024 National Expenditure Program sa Kongreso.
Ang P 2.5B ay magiging tulong ng gobyerno sa mga tsuper at operator ng public utility vehicles (PUVs) na ilalagay sa pangangasiwa ng Department of Transportation (DOTr).
Hindi aniya binago ang halaga ng subsidiya kagaya ng pondo ngayong 2023.
Sa ilalim ng programa, binibigyan ng gobyerno ng P6,000 na halaga ng fuel vouchers ang mga kwalipikadong tsuper at operator ng PUV at iba pang delivery service upang maibsan ang pasanin sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.