top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 9, 2022



Mariing itinanggi ng public opinion polling body na Pulse Asia Research, Inc. ang lumabas na mayoralty survey sa bayan ng Bocaue, Bulacan kahapon ng Linggo, kulang isang araw bago ang eleksiyon ngayon.


Taliwas sa kumalat na Facebook post mula sa Bocaue, mariing itinanggi ng Pulse Asia na sila ang nagsagawa ng naturang survey na nagpakita ng voter preference sa pagitan ng dalawang magkatunggaling mayor sa bayan nito.


Batay sa larawan ng art card na naka-post sa social media, tinukoy na source ng naturang survey ang Pulse Asia, kung saan makikitang nakakuha umano si Bocaue incumbent mayor candidate JJS Santiago ng 77% kontra kay running mayor JJV Villanueva na mayroong 15%, habang nasa 8% naman umano ang mga undecided.


Ayon sa pahayag ng polling firm, "Pulse Asia Research, Inc. did not conduct a survey in Bocaue."


"We will take the requisite legal action to hold the party that posted this fabricated liable," dagdag pa nito.


Ang mga magkatunggaling kandidato sa pagka-mayor ng Bocaue, Bulacan ay nasa katauhan nina Jose Cruz Santiago, Jr. (JJS Santiago) ng PDP-Laban at Eduardo Jose Villanueva, Jr. (Jonjon JJV Villanueva) ng National Unity Party at anak ni Jesus Is Lord Church president-founder Bro. Eddie Villanueva.


Samantala, kasunod ng pahayag ng Pulse Asia tungkol sa lumabas na pekeng survey, kapansin-pansing burado na ang pagkaka-post nito sa Facebook page na Team Bocaue Support GROUP, ngunit nakarating na sa kinauukulan ang mga screenshots nito.


Kasalukuyan pang inaalam ng pamunuan ng Pulse Asia Research, Inc. ang pinagmulan at kung sino ang may pananagutan sa naturang false survey sa nabanggit na bayan.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 30, 2021



Top choice pa rin ng publiko bilang presidente si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na inilabas nitong Miyerkules.


Ang survey ay isinagawa noong Setyembre 6 hanggang 11 sa 2,400 respondents sa buong bansa.


Lumalabas na 20% ang nagsabing si Duterte-Carpio ang nais nilang pangulo sa 2022, habang 15% naman ang pumili kay Bongbong Marcos.


Sunod sa kanila sina Manila Mayor Isko Moreno, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Grace Poe, Vice President Leni Robredo, Sen. Ping Lacson, Rep. Alan Peter Cayetano, at Sen. Bong Go.


Patuloy na nanguna si Duterte-Carpio kahit pa sinabi nito noong Agosto na hindi na siya tatakbong pangulo.


Nagpapasalamat naman ang kampo ni Duterte-Carpio sa mga tagasuporta. Patuloy daw nakikinig ang mayora sa publiko.


"The latest Pulse Asia survey reflects the people’s desire for stable leadership in these uncertain times," ani Liloan, Cebu Mayor Christina Frasco, spokesperson ni Duterte-Carpio.

 
 

ni Lolet Abania | July 13, 2021


Parehong nanguna sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakabagong survey ng Pulse Asia na posibleng pumasok sa pagka-pangulo at pagka-bise-presidente sa eleksiyon sa 2022.


Sa isinagawang survey ng Pulse Asia noong Hunyo 7 hanggang Hunyo 16, lumabas na nakakuha ng 28% na suporta si Mayor Sara mula sa 2,400 matatandang Pinoy na tinanong sa nais nilang susunod na lider ng bansa.


Kasunod si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na may 14%, dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na may 13%, at Senador Grace Poe na may 10% suporta.


Nakabilang din sa listahan sina Senador Manny Pacquiao na may 8%, Vice-President Maria Leonor “Leni” Robredo na may 6%, at Senador Panfilo Lacson, 4% suporta.


Pasok din sa listahan sina Senador Bong Go na may 3%, dating Vice-President Jejomar “Jojo” Binay, dating Speaker Alan Peter Cayetano at dating Sen. Antonio Trillanes IV, na nakakuha ng tig-2% suporta.


Mababa naman sa 1% ang nakuha nina Sen. Richard Gordon, dating Associate Justice Antonio Carpio, dating House Speaker Pantaleon Alvarez, at dating Defense Secretary Gibo Teodoro. Para sa Second Choice Presidential Preference ng survey, nanguna pa rin si Mayor Sara na sinundan nina Poe, Marcos, Pacquiao at Go, sa top five.


Sa mga posibleng tumakbong bise-presidente, nanguna sa listahan si Pangulong Duterte na may 18% na puntos. Sumunod sina Mayor Isko na may 14%, Senate President Vicente Sotto III na may 10%, dating Sen. Marcos na may 10%, Sen. Pacquiao na may 9%, dating Speaker Cayetano na may 8%, at Sorsogon Governor Francis Escudero na may 7% puntos.


Pasok din sa listahan sina Senador Bong Go na may 5%, ang host ng ‘Wowowin’ na si Willie Revillame na may 4% at Senador Sonny Angara na may 3% suporta. Kapwa nakakuha naman ng tig-2% sina Trillanes at Public Works Secretary Mark Villar at 1% si Teodoro. Mababa naman sa 1% ang nakuha nina Rep. Alvarez at human rights lawyer Chel Diokno.


Ayon sa Pulse Asia, face-to-face interviews ang paraan ng survey para sa 2,400 adult Filipinos na botante, habang may ±2% error margin na may 95% confidence level. “Subnational estimates for each of the geographic areas covered in the survey (i.e., Metro Manila, the rest of Luzon, Visayas and Mindanao) have a ± 4% error margin, also at 95% confidence level,” pahayag pa ng Pulse Asia.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page