ni Mai Ancheta @News | August 15, 2023
Dapat isailalim sa retraining ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang iginiit ng Commission on Human Rights (CHR) matapos ang palpak na operasyon ng Navotas City Police na nagresulta sa pagkamatay ng 17-anyos na si Jemboy Baltazar dahil sa mistaken identity.
Ayon kay CHR Chairperson Richard Palpal-latoc, hindi sapat na isailalim lamang sa refresher course ang buong puwersa ng Navotas Police kundi dapat buong puwersa ng PNP upang hindi na maulit ang ganitong kapalpakan na ang nabibiktima ay mga inosenteng mamamayan.
Mayroon aniyang ibinibigay na training sa PNP patungkol sa human rights at kung susundin ito nang tama ay maiiwasan ang mga ganitong pangyayari.
Matatandaang binaril at napatay ang biktimang si Baltazar matapos mapagkamalan umanong suspek sa target na operasyon ng Navotas Police.
Iginiit din ni Palpal-latoc ang paggamit ng body camera ng mga pulis upang madokumento ang kanilang mga ginagawa sa operasyon na hindi ginawa umano ng Navotas Police sa naganap na insidente.