ni Lolet Abania | May 20, 2022
Nakarekober na ang 11 dayuhang turista matapos na tamaan ng mas nakahahawang Omicron subvariant BA.2.12.1 sa Puerto Princesa City at nakabalik na sa kanilang mga bansa.
Ayon kay Dr. Dean Palanca, head ng Incident Management Team sa Puerto Princesa, ang mga foreign travelers ay nakaalis na ng Pilipinas noon pang unang linggo ng Mayo.
“Sila ay na-discharge na po natin at lahat sila ay umuwi na sa kanilang countries,” pahayag ni Palanca sa isang interview ng TeleRadyo ngayong Biyernes. Aniya, nakaranas lamang ang mga pasyente ng mild symptoms ng naturang sakit.
Matatandaang inanunsiyo ng Department of Health (DOH) noong nakaraang linggo na may na-detect ng mga kaso ng Omicron BA.2.12.1 mula sa isang mini cruise line sa Puerto Princesa. Nasa 11 foreign tourists at isang local ang nagpositibo sa test para sa BA.2.12.1 subvariant noong Abril 29.
Ayon naman sa DOH, ang cruise line ay nag-docked lamang sa Puerto Princesa upang sunduin ang mga turista para sa isang diving trip sa Tubbataha Reef.
“Kaya nga po parati naming sinasabi na wala po ditong dapat ipangamba kung may mga turista o travelers na papasok ng Puerto Princesa kasi wala naman pong sinasabi nating nagkahawaan dito mismo sa kalupaan ng Puerto Princesa,” saad ni Palanca.
Sinabi rin ng opisyal na lahat ng naging close contacts ng mga pasyente ay nagnegatibo sa test sa COVID-19. Ang BA.2.12.1, isang sublineage ng BA.2, ay na-detect na sa 23 mga bansa, kung saan ito ay binubuo ng karamihan ng COVID-19 cases sa United States.