ni Lolet Abania | April 7, 2022
Tumaas pa ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o unemployed nitong Pebrero, sa kabila ng pagluluwag ng mga restriksyon ng panahong iyon, kung saan marami ang naghahanap ng mapapasukan subalit bigong silang makapagtrabaho dahil sa limitado ang bilang naman ng mga negosyong nag-o-operate, batay sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong Huwebes.
Sa isang virtual conference, ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, ang bilang ng mga unemployed adults o may mga edad 15 at pataas, nitong Pebrero ay umabot sa 3.13 milyon, na nagre-reflect o katumbas ng unemployment rate na 6.4%.
Mas mataas ito kumpara sa 2.93 milyong walang trabaho na mga indibidwal na nai-record noong Enero, na nagre-reflect naman sa parehong unemployment rate na 6.4% -- ang pinakamababa mula nang peak ng mga pandemic lockdowns noong Abril 2020, na nakapag-record ng all-time high unemployment rate ng 17.6% o 7.3 milyong walang trabaho.
Ang bilang nitong Pebrero ng mga jobless na Pinoy ay mas mababa naman kumpara sa 4.19 milyong unemployed na nai-record noong Pebrero 2021.
Ayon kay Mapa, ang pagluluwag ng mga restriksyon sa Alert Level 2 sa buong Pebrero ay nag-udyok sa marami para maghanap ng kanilang mapapasukan habang ang labor force participation rate – ang percentage ng mga indibidwal na aktibong naghahanap ng trabaho mula sa adult population – ay tumaas ng 63.8% mula sa 60.5% noong Enero.
“We can surmise that the opening of the economy, the easing of restrictions encouraged ang ating mga kababayan na maghanap ng trabaho,” sabi ni Mapa.
Gayunman, sinabi ni Mapa na hindi lahat ng naghanap ng mapapasukan ay nagkaroon ng trabaho.
“Marami ang naghahanap ng trabaho pero hindi sila nakakuha ng trabaho na gusto nila,” saad ni Mapa, kung saan aniya, ang mga naghahanap ng mapapasukan subalit unemployed ay tumaas mula 1.16 milyon noong Enero na naging 1.94 milyon nitong Pebrero.
“Possible reasons are not enough jobs or some are waiting for other opportunities,” dagdag ng opisyal.
Gayunman, ayon sa PSA chief, kabilang sa mga unemployed, na nagsasabing sila ay walang trabaho dahil sa tinatawag na mobility restrictions ay bumaba sa 385,000 nitong Pebrero kumpara sa 813,000 noong Enero.
Sa kabila naman ng pagtaas ng bilang ng mga unemployed Pinoy, ang bilang naman ng mga employed nitong Pebrero ay tumaas ng 45.48 milyon mula sa 43.02 milyon noong Enero, ayon pa kay Mapa.