ni Lolet Abania | April 29, 2021
Pinag-iisipan ng Department of Health (DOH) at ng Philippine Nursing Association (PNA) kung isasagawa ang nursing licensure exams nang mas maaga dahil sa kinakaharap na problema sa kakulangan ng health workforce ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa isang virtual interview ngayong Huwebes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isa ito sa mga opsiyon na kanilang tinitingnan dahil ang bilang ng mga aplikante sa hiring program ng ahensiya ay nananatiling mababa.
“We’re having this challenge right now kasi ‘yung uptake rin po ng ating hiring ay medyo mabagal pero kami po ay nakikipag-usap na sa mga societies at saka sa mga universities so that we can get some more healthcare workers,” ani Vergeire.
“Ang isa nga pong aksyon na... pinag-uusapan, if we can, with the Philippine Nursing Association, kung puwedeng i-move ‘yung mga board exams na isasagawa na na-delay yata towards the end of the year para mas makakuha pa tayo ng additional cadres dito po sa ating mga ospital,” dagdag ng Vergeire.
Una nang inianunsiyo ng Professional Regulation Commission (PRC) na ang nakatakdang May 2021 nursing licensure exams ay ini-reschedule nila ng Nobyembre ngayong taon dahil sa pandemya.
Sa muling pagtaas ng COVID-19 cases, matinding naapektuhan ang healthcare system ng bansa, kaya isinailalim sa mahigpit na lockdown ang Metro Manila at karatig-probinsiya kung saan pinalawig pa ito hanggang Mayo 14.
Gayunman, umabot na sa isandaang doktor at mga nurses mula sa ibang region ang na-deploy para matugunan ang kinakailangang workforce sa Metro Manila, ang rehiyon na matinding tinamaan at may pinakamataas na bilang ng COVID-19 cases.