ni Zel Fernandez | May 4, 2022
Nagpahayag ang mga pribadong ospital ng kahandaan sa pagbibigay ng tulong sa mga botanteng magkakasakit kasunod ng nalalapit na 2022 national at local elections sa Mayo 9.
Ayon kay Private Hospital Association of the Philippines (PHAPI) Pres. Dr. Jose De Grano, nakahanda aniya ang mga pribadong ospital na magpadala ng ambulansiya at medical personnel, bilang pagresponde sa mga botanteng posibleng ma-heat stroke, himatayin at makaranas ng iba pang uri ng emergency sa kasagsagan ng halalan.
Ani Dr. De Grano, inaasahang magiging siksikan at magkakaroon ng pila ng mga botante sa mga polling centers, na maaaring sumabay sa mainit na panahon.
Gayundin, ipinaalala ni Dr. De Grano sa mga botante na magsuot ng facemask at magbaon ng personal na alcohol at sanitizer.
Kaakibat nito, muling iginiit ng mga ospital na patuloy na mag-ingat at proteksiyunan ang kalusugan laban sa COVID-19 at sa iba pang mga nakahahawang sakit na maaaring makuha ngayong eleksiyon.