ni Lolet Abania | March 14, 2021
Hindi dapat pagbayarin ang mga manggagawa kapag nagpabakuna at wala rin dapat mangyaring diskriminasyon sa mga ito sakaling tumangging magpaturok ng COVID-19.
Ito ay ayon sa inisyung guidelines ng Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa isasagawang vaccination sa mga kumpanya.
Sa Labor Advisory No. 3 Series of 2021 ng DOLE, nagtakda ang ahensiya ng guidelines para sa mga pribadong sektor sa pagpapatupad nito ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa kanilang mga empleyado.
Nakasaad sa nasabing guidelines, na pirmado ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, na ang mga kumpanya ay maaaring kumuha ng COVID-19 vaccines, supplies at iba pang kailangan para rito.
“Firms may seek the support of the appropriate government agencies in the procurement, storage, transport, deployment, and administration of COVID-19 vaccines,” ayon sa pahayag nito. Gayundin, hindi dapat bayaran ng mga empleyado ang gagawing vaccination.
“No cost of vaccination in the workplace shall be charged against or passed on, directly or indirectly to the employees,” ayon pa rito. Dagdag niya, ang mga private employers na kukuha ng COVID-19 vaccines ay hindi maaaring ipasa ang gastos ng vaccination sa kanilang mga empleyado.
"Ang gobyerno ni Pangulong (Rodrigo) Duterte ang mananagot sa lahat ng gastos sa pagbabakuna, maliwanag po ‘yan," ani Bello sa isang interview ngayong Sabado.
Ang mga may-ari naman ng kumpanya ay may mandato na himukin ang kanilang mga empleyado na magpabakuna laban sa coronavirus.
Gayunman, ayon pa sa DOLE, walang dapat na mangyaring diskriminasyon sa empleyadong tumangging magpabakuna o maturukan ng COVID-19 vaccines.
“Any employee who refuses or fails to be vaccinated shall not be discriminated against in the terms of tenure, promotion, training, pay, and other benefits, among others, or terminated from employment,” pahayag ng DOLE.
Matatandaang ipinaliwanag na ni DOLE Undersecretary Maria Teresita Cucueco ang tungkol sa mga empleyadong ayaw pang magpabakuna ng COVID-19 vaccines.
“Ang sinasabi, i-encourage na mapabakunahan ang empleyado pero kung hindi ho sila papayag, hindi po ito basehan ng termination, promotion, at iba pa na hindi papapasukin sa loob ng kumpanya. Discriminatory na po 'yan, hindi po 'yan sang-ayon sa mga issuance ng DOLE,” ani Cucueco.
Binanggit na rin ng DOLE noon na ang polisiya na "no vaccination, no work" ay ilegal.