ni Mai Ancheta | June 12, 2023
Nagpatupad ng price freeze ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Albay kasunod ng idineklarang state of calamity sa lalawigan dahil sa nagbabadyang posibleng pagsabog ng bulkan.
Mangangahulugan ito na hindi maaaring magtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin sa loob ng 60 araw, alinsunod sa inilabas na memorandum ng DTI na may petsang June 9, 2023.
May katapat na parusa ang sinumang negosyanteng lalabag sa Price Act, at pagmumultahin o babawian ng lisensya sa pagnenegosyo.
Kabilang sa mga isinailalim sa price freeze ay bigas, tinapay, mantika, sabong panlaba, kandila, bottled water, karne, at mga de lata na mabibili sa mga palengke, grocery stores, supermarket at iba pa.
Kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon na posibleng mauwi sa pagsabog sa mga susunod na araw.