top of page
Search

Filni Angela Fernando - Trainee @News | November 4, 2023




Inaasahang walang paglobo sa presyo ng mga produktong agrikultura sa nalalapit na Kapaskuhan, ayon sa Department of Agriculture (DA) ngayong Sabado, Nobyembre 4.


Pahayag ng DA Spokesperson Assistant Secretary na si Arnel de Mesa, maayos ang supply ng mga lokal na produkto at masagana ang pasok ng mga imports kaya wala silang inaasahang pagtaas sa bilihin.


Aniya, hindi magkakaroon ng kakulangan sa supply sa karne at mataas ang lokal na produksyon ng mga ito.


Maging ang bigas na tumaas ang presyo kamakailan ay hindi rin magkakaproblema sa pagpasok ng holiday.


Sa kabilang banda, inaasahan na ang mataas na demand sa mga nasabing produkto dahil nalalapit na ang mga pagdiriwang at handaan sa Kapaskuhan.


 
 
  • BULGAR
  • Oct 23, 2023

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 23, 2023




Inaasahan ang panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, bukas, o bago ang mahabang weekend.


Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Pilipinas Shell Petroleum Corp. na itataas ang presyo kada litro ng diesel sa P1.30, habang ang gasolina ay tataas sa P0.95.


Samantala, ang presyo ng kerosene ay tataas ng P1.25 kada litro.


Magpapatupad ang Cleanfuel ng parehong pagbabago maliban sa kerosene na hindi nito inaangkat.


Matatandaang noong nakaraang linggo, bumaba ng P0.95 kada litro ang presyo ng diesel at kerosene, samantalang tumaas ng P0.55 kada litro ang presyo ng gasolina.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 13, 2023




Ikinukonsidera na rin ng gobyerno na bigyan ng ayuda ang may-ari ng sari-sari stores sa buong bansa.


Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, may ginagawa ng pag-aaral ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagbibigay ng Sustainable Livelihood Program (SLP).


Ginawa ni Gatchalian ang pahayag matapos mamigay ang DSWD ng tig-P15,000 na ayuda sa mga apektadong rice retailers sa mga nasa loob at labas ng pampubliko at pribadong palengke.


Layunin nito na makaagapay din ang mga maliliit na sari-sari store sa pagkalugi dahil sa price cap sa bigas.


Idinagdag pa ng DSWD chief na target ng DTI na makapagsumite ng mas maraming listahan ng mga benepisyaryo upang mabigyan ng ayuda ang mga may-ari ng sari-sari store sa buong bansa.


Sa kasalukuyan, sinabi ni Gatchalian na may 474 rice retailers na ang nakatanggap ng livelihood grants, na nagkakahalaga ng P7.5 milyon.


Samantala, tatapusin na ng ahensya ang ipinatutupad na cash payout sa rice retailers na naapektuhan ng Executive Order No. 39 o ang price cap sa bigas.


Sinabi ni Gatchalian na pinamamadali ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa rice retailers at nagtakdang tatapusin ang pamamahagi ng P15,000 hanggang Huwebes, sa buong bansa.


Nag-apply na rin sila ng exemption sa Commission on Elections sakaling maabutan sila ng election ban sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa rice retailers na naapektuhan ng price cap.


Nabatid na ang mga rice retailer na nasa labas ng palengke ang isusunod sa Phase 2 ng programa at kinukuha na ang listahan ng mga ito para mapabilang sa mga bibigyan ng ayuda ng gobyerno.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page