ni Jasmin Joy Evangelista | September 2, 2021
Ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros na wanted umano sa Taiwan ang mga tao sa likod ng kumpanyang Pharmally na ginawaran ng pamahalaan ng bilyun-bilyong halaga ng kontrata para sa samu't saring pandemic supplies noong 2020, na sinasabi namang overpriced.
"Why is this government transacting with fugitives? Bakit tayo nakikipagnegosyo sa mga taong may warrant of arrest pa nga sa ibang bansa?" tanong ni Sen. Risa Hontiveros.
Kung nag-research lang daw sana tungkol sa Pharmally si dating Budget undersecretary Lloyd Christopher Lao, makikita sa mismong website ng Ministry of Justice-Investigation Bureau ng Taiwan na wanted doon si Huang Wen Lie o Tony Huang, chairman ng Pharmally International Holdings, dahil umano sa pandaraya, pagmamanipula ng stocks, at pandarambong.
Dagdag pa ng senadora, ang anak ni Lie na si Huang Tzu Yen na incorporator o stockholder naman ng Pharmally Pharmaceutical Corp. at Pharmally Biological Inc. ay wanted din daw dahil sa stock manipulation.
Lumabas din ang mga pangalang Rose Lin at Gerald Cruz bilang incorporators ng Pharmally Group of Companies at Full Win. Si Michael Yang na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakaupo sa Full Win Philippines, at dating presidential adviser on economic affairs.
"Bakit hindi ito naamoy man lang ng ating mga awtoridad? Publicly available ang mga impormasyong ito," ani Hontiveros.
Mabilis namang itinanggi ng Malacañang ang mga pahayag ni Hontiveros.
"Ultimately, it's the price and the specification that matters. Sa presyo po ang labanan, kahit sino ka man... Wala pong kinalaman ang mga personalidad, ang tiningnan, presyo at saka 'yung kalidad," ani Presidential spokesman Harry Roque.