top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 21, 2021



Tiniyak ng Malacañang sa mga mangingisdang Pinoy na walang magiging problema at maaari silang magpatuloy sa pangingisda sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng ipinatupad na fishing ban ng China sa ilang bahagi ng karagatan.


Siniguro rin ng Palasyo na poprotektahan ang mga Pilipino ng Philippine Coast Guard (PCG).


Pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “D’yan lang po kayo sa ating mga traditional fishing grounds.


"Nandiyan naman po ang ating Coast Guard para pangalagaan din po ang interes ng ating mga mangingisda.”


Diin pa ni Roque, “Wala pong extraterritorial application ang batas ng mga dayuhang bansa.”


Samantala, una nang naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs laban sa ipinatupad na fishing ban ng China sa South China Sea simula noong Mayo 1 hanggang Agosto 16.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 20, 2021



Planong makipagpulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dating lider ng bansa upang pag-usapan ang sigalot sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Una nang hiniling ni dating Senador Rodolfo Biazon kay P-Duterte na makipagpulong sa National Security Council (NSC) upang linawin at pag-usapan ang posisyon ng pangulo sa WPS.


Pahayag naman ni Roque, “Actually, nabanggit po sa akin iyan ni Presidente. Ang problema roon sa NSC, sa personal niyang karanasan na nakaka-attend siya, iyong NSC, walang nare-resolve. So, kung kinakailangan, iniisip niyang imbitahin ang mga dating presidente, ilang mga personalidad para magkaroon ng isang pagpupulong, ‘no, to discuss the issue.


“'Yung mga issue na tinatalakay kasama ang NSC, wala namang resolusyon na nangyayari kaya bakit pa kung puwede naman ‘yang gawin sa informal consultation?”


Iginiit din ni Roque na mananatili ang posisyon at polisiya ni P-Duterte sa usapin sa WPS at sisiguraduhin din umano ng pangulo na walang mawawalang teritoryo ng Pilipinas sa kanyang panunungkulan.


Aniya, “Wala pong confusing sa stand ng presidente sa WPS. Ang hindi pupuwedeng mapagkasunduan, isasantabi muna, isusulong ang mga bagay-bagay na puwedeng maisulong kagaya ng kalakalan at pamumuhunan.


"Pero hinding-hindi tayo mamimigay ng teritoryo at paninindigan at pangangalagaan natin ang pang-nasyonal na soberanya at ang ating mga sovereign rights.”


 
 

ni Lolet Abania | May 18, 2021




Hindi ipinagbibili ang mga COVID-19 vaccines sa Pilipinas, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Ito ang nilinaw ni Roque matapos na ianunsiyo ni Philippine Red Cross (PRC) chairperson Senator Richard Gordon na ang PRC ay maniningil ng P3,500 para sa dalawang doses ng Moderna vaccine.


Gayunman, ipinaliwanag ng PRC na hindi ito para magbenta ng bakuna sa kanilang mga miyembro at donors kundi bayad ang P3,500 sa mga syringes, personal protective equipment, mga pagkain, at iba pang gastusin na may kaugnayan sa vaccination.


"Ang pangako po ni Presidente, ibibigay ang bakuna nang libre. Babayaran po ito ng ating gobyerno," ani Roque sa isang Palace briefing ngayong Martes.


Ayon sa kalihim, ang mga COVID-19 vaccines na kinuha ng private sector sa ilalim ng isang tripartite agreement kasama ang gobyerno ay gagamitin ng mga pribadong kumpanya para sa kanilang mga empleyado. "Wala pong dapat magbenta [ng bakuna] kasi wala pa pong general use authority ang kahit anong brand ng bakuna," sabi ni Roque.


Ang mayroon pa lamang ay emergency use authority (EUA) na isang garantiya kung saan ang bakuna ay ligtas at ang efficacy nito ay mula sa Food and Drug Administration (FDA).


Gayundin, ang EUA ay hindi nagbibigay ng awtorisasyon para sa commercial sale dahil lahat ng COVID-19 vaccines ay patuloy pa ring sumasailalim sa human trials.


Ang FDA ay nagbigay na ng emergency use authority sa mga vaccine brands tulad ng Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, Sinovac, Sputnik V, Janssen, Covaxin, at Moderna.


Sa mga ito, ang Janssen, Covaxin at Moderna ang hindi pa nai-deliver sa bansa.


Sa ngayon, mayroon na ang bansa ng pitong milyong doses ng COVID-19 vaccine supply. Sa bilang na ito, apat na milyong doses ang nailabas na habang nakapag-administer naman ng 3 milyong doses ng COVID-19 vaccines.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page