top of page
Search

ni Lolet Abania | June 1, 2021



Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng restriksiyon na kasalukuyang ipinatutupad sa inbound travelers na mula sa India, Pakistan, Sri Lanka, Bangladesh, Nepal, Oman at United Arab Emirates.


Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, extended ang travel ban mula June 1 hanggang June 15, 2021.


Matatandaang noong huling mga linggo ng Abril ipinatupad ang travel ban sa lahat ng mga travelers na mula sa India kasabay ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga bansa sa South Asia.


Ang COVID-19 variant na unang na-detect sa India ay isa sa mga variants of concern na mino-monitor ng ating bansa. Nitong unang linggo ng Mayo, pinalawig ng Pilipinas ang pagba-banned sa mga travelers kasabay ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases, kung saan ipinagbawal na rin ang mga manggagaling sa Pakistan, Bangladesh, Nepal at Sri Lanka.


Noong May 16, kabilang na rin ang mga travelers mula Oman at United Arab Emirates na ipinagbabawal dahil sa panganib ng Indian variant ng COVID-19.


 
 

ni Lolet Abania | May 27, 2021



Maaaring maaresto nang walang warrant ang mga opisyal ng barangay na makikita sa mga "superspreader gatherings" o pagtitipun-tipon sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa Palasyo.


Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque isang araw matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga barangay captains na bigong ipatupad sa kanilang lugar ang health protocols, kabilang na ang pagbabawal sa mass gathering, dahil sa kapabayaan nila sa tungkulin.


“Warrantless arrest can be performed by law enforcers when the law enforcement is personally witnessing the crime. If the barangay captain is at the scene of the superspreader event, knows about it and did nothing, that is dereliction of duty,” ani Roque sa isang interview ngayong Huwebes.


Ginawa ni Pangulong Duterte ang direktiba matapos ang naiulat na mga insidente ng mass gatherings sa swimming pools sa Lungsod ng Caloocan at Quezon City na nagresulta sa mga indibidwal na nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ayon pa kay Roque, para naman sa mga walang alam sa nangyayaring superspreader events sa kanilang lugar, maaari pa ring magsampa ng reklamo laban sa mga pabayang barangay captains sa prosecutors’ office at ihain dito ang kanilang mga depensa.


“If the prosecutor finds probable cause, the judge will issue an arrest warrant against the barangay chairman,” sabi ni Roque.


Sinabi rin ni Roque na ang mga sasaling indibidwal at mga organizers ng mga superspreader events ay mananagot din dahil sa paglabag ng mga ito sa mga local ordinances na may kaukulang parusa sa pagsuway sa quarantine protocols.


“If they are complicit, that is conspiracy [to commit a crime] because they allowed the offense to happen,” ani pa ng kalihim.


Gayunman, aniya, ang mga penalties sa ilalim ng mga local ordinances ay hindi sapat para sa indibidwal na lumabag sa ipinatutupad na kautusan.


“We need to have a national quarantine law that will spell out stiffer penalties for breach of quarantine protocol,” saad ni Roque.


Ang mga parusa sa paglabag sa quarantine protocols na itinatakda sa ilalim ng local government ordinances ay pagbabayad ng malaking halaga at administratibo gaya ng pagpapasara ng kanilang establisimyento kapag napatunayang may kasalanan o mayroong paglabag.


 
 

ni Lolet Abania | May 27, 2021



Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karagdagang P5 bilyong badyet para sa mga gastusin sa isinasagawang quarantine ng mga returning Overseas Filipino Workers (OFWs), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


“The President approved an additional P5 billion budget and this was confirmed by Labor Secretary Silvestre Bello III,” ani Roque sa briefing ngayong Huwebes.


“This budget will pay for the quarantine hotel expenses because of the longer quarantine period that we require for our returning OFWs,” dagdag ng kalihim.


Ipinatutupad ng pamahalaan para sa mga returning OFWs ang pagsasailalim sa quarantine sa isang pasilidad ng gobyerno nang 10 araw habang sasailalim sa RT-PCR test sa ika-7 araw ng quarantine.


Sakaling ang kanilang test ay negative, kailangan na lamang tapusin ng mga naturang OFWs ang 14-day quarantine sa kanilang tahanan.


Matatandaang binanggit ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Chief Hans Leo Cacdac na ang ahensiya ay mangangailangan ng P9 bilyong karagdagang badyet upang tugunan ang mahabang quarantine period na kailangan ng mga returning OFWs sa gitna ng pagkakaroon pa ng bagong variants ng COVID-19. Mahigit sa 500,000 OFWs ang na-repatriate simula pa ng COVID-19 pandemic kung saan labis na naapektuhan ang mga negosyo at iba pang industriya sa buong mundo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page