top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | November 16, 2021



Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Cabinet Secretary Karlo Nograles bilang Acting Presidential Spokesperson.


Ito ay matapos mag-file ni Harry Roque sa pagka-senador.


Sa kanyang pre-recorded Talk to the People, tinalakay ni Pangulong Duterte kay Nograles ang tungkol sa kandidatura ni Roque.


"Alam mo once you file your certificate of candidacy, automatic 'yan out ka na sa gobyerno. No other formal ritual is needed," ani Duterte.


"So kung maari, ikaw (Nograles) na lang sana ang acting na muna until we find a replacement. I don't want to burden you with so much. Alam ko ang paper work dadaan sayo," sabi ni Duterte kay Nograles.


Kahapon ay nag-file si Roque ng COC sa pagka-senador sa ilalim ng partidong Peoples' Reform Party (PRP). Pinalitan niya si Paolo Martelino.

 
 

ni Lolet Abania | September 13, 2021



Ipinagkibit-balikat lang ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang panawagan na siya ay mag-resign matapos ang ginawa niya sa mga doktor sa isang meeting ng COVID-19 response task force ng gobyerno.


“Unfortunately, only the President can fire me,” ani Roque sa press briefing ngayong Lunes.


Nagsimula ang naturang panawagan nang mag-viral at mapanood ang video na pinagagalitan at galit na reaksyon ni Roque kay Dr. Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians, sa naganap na meeting ng pandemic task force noong nakaraang linggo.


Ang nasabing footage ng insidente ay nag-leak sa social media.


Sa pulong, nakiusap si Limpin sa gobyerno na kung maaari ay manatili na muna sa mahigpit na restriksiyon sa gitna ng COVID-19 pandemic para hindi rin aniya, mahirapan ang healthcare system ng bansa.


Hindi sumang-ayon dito si Roque, bagkus sinabi nitong ang epekto ng naturang restriksyon ay lalong maglulugmok sa ating ekonomiya. Habang inakusahan ng kalihim si Limpin at kanyang grupo na puro kritisismo sa ginagawa ng administrasyon kaugnay sa pandemya.


Sinabi naman ni VP Leni Robredo na walang karapatan si Roque na mag-react ng ganoon sa mga health workers na silang nangungunang lumaban sa gitna ng pandemya, kahit pa hindi siya pabor sa mga suhestiyon ng mga ito.


Panawagan ng mga grupo ng health workers na sina Roque at Department of Health Secretary Francisco Duque III na mag-resign na dahil sa naging komento ni Roque at sa matagal nang naantalang benepisyo ng health workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Subalit, ayon kay Roque, hinggil sa panawagan na si Duque ay mag-resign,“Only the President can fire Secretary Duque.”

 
 

ni Lolet Abania | May 20, 2021




Iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabakuna ng donasyong Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines sa indigent population, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Ayon kay Roque, ibinaba ng Pangulo ang direktiba batay sa kondisyon na ibinigay ng global aid na COVAX Facility na nag-donate ng 193,050 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines na nai-deliver na sa bansa.


“Ipinag-utos ni Presidente na ibigay ang Pfizer sa mahihirap at indigent population. Under COVAX guidelines, it is A1, A2, A3 and A5,” ani Roque sa press briefing ngayong Huwebes.


Sa ilalim ng vaccination program ng gobyerno, ang A1 ay mga health workers, A2 ay mga senior citizens, A3 ay mga taong may comorbidities habang ang A5 ay mga mahihirap at indigents.


Ang A4 naman ay mga essential workers o mga kinakailangang mag-report physically sa trabaho sa kabila ng umiiral na quarantine restrictions.


“Iyong Pfizer, hindi po ‘yan ilalagay sa mall. Ilalagay ‘yan sa barangays na mababa ang uptake ng vaccine,” diin ni Roque.


“On A4, we will use the ones (vaccines) paid for by the government,” dagdag ng kalihim.


Batay sa naging evaluation ng Food and Drug Administration (FDA) ng bansa, ang Pfizer-BioNTech ay may efficacy rate na 95% sa isinagawang study population habang may 92% naman na angkop para sa lahat ng lahi.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page