ni Lolet Abania | June 26, 2022
Napili si Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Col. Ramon Zagala na maging acting commander ng Presidential Security Group (PSG) at Senior Military Assistant ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kapag naupo na ito bilang pangulo sa Hunyo 30.
“Acting PSG commander and acting Senior Military assistant... ‘Yun daw ang ide-designate sa kanya,” sabi ni AFP public affairs chief Col. Jorry Baclor sa mga reporters ngayong Linggo.
Ayon kay Baclor, hinihintay pa ang issuance ng official order, subalit inaasahang gagawin na ni Zagala ang kanyang tungkulin sa Huwebes matapos na manumpa si Marcos bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas.
Ang PSG ay kasalukuyang pinamumunuan ni Brig. Gen. Randolph Cabangbang. Si Zagala, 52-anyos, ay isang public affairs chief at spokesman ng Philippine Army, bago naging AFP spokesman noong Agosto 2021.
Sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Joseph Estrada, nagsilbi siya bilang presidential aide de camp. Ang lolo at ama ni Zagala ay parehong nagmula sa military.
Ang kanyang ama, si Maj. Gen. Rafael Zagala, ay isang Army chief mula 1972 hanggang 1975 sa panahon ng pamumuno ng ama ni P-BBM na si Ferdinand Marcos, Sr. at naiulat din na kabilang sa “Omega 12” na pinili ng yumaong Marcos para sa pagpapatupad ng Martial Law.