ni Mylene Alfonso | May 16, 2023
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang karagdagang pag-aangkat ng aabot sa 150,000 metriko tonelada (MT) ng asukal upang patatagin ang presyo ng mga bilihin at mapalakas ang stock ng bansa.
Ito ay nabuo kasunod ng pagpupulong ni Marcos sa Sugar Regulatory Administration (SRA) sa pamumuno ni SRA Acting Administrator Pablo Luis Azcona at Board Member Ma. Mitzi Mangwang, na kumakatawan sa mga miller.
Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na hindi pa nila matukoy ang halaga ng asukal na aangkatin ng bansa.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na bukas ang gobyerno sa pag-aangkat ng asukal sa lahat ng mga traders upang mapalakas ang produksyon nito kung saan inaprubahan din niya ang paglipat ng simula ng panahon ng paggiling o milling season mula Agosto hanggang Setyembre ngayong taon.
Base sa pagtaya ng SRA, magkakaroon ng negative ending stock ang bansa ng 552,835 metrikong tonelada pagsapit ng Agosto 2023 o ang pagtatapos ng milling season.
Bunsod nito, sinabi ng Pangulo na para hindi kapusin ang suplay, kailangan na mag-angkat ng asukal ng 100,000 hanggang 150,000 metrikong tonelada.