ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 2, 2021
Umabot na sa P800 million ang utang ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa Philippine Red Cross (PRC), ayon kay Senator Richard Gordon ngayong Sabado sa isang radio interview.
Aniya, “Ayaw ko sanang pinag-uusapan ‘yan pero nasa P800 million na naman. ‘Di puwede kasi kung kelan lang nila gustong magbayad dahil lalaki nang lalaki, baka mapilitan kaming itigil dahil bibili pa kami ng gamit tapos ime-maintain naman ang mga tao sa laboratoryo.”
Saad pa ni Gordon, “Siguro darating ‘yun sa Monday... nakikiusap [kami] sa kanila na mag-up-to-date sila dahil tutumba ang Red Cross dahil sa kanila.”
Matatandaang noong Oktubre, itinigil ng PRC ang pagsasagawa ng COVID-19 testing dahil sa utang ng PhilHealth na umabot sa mahigit P930 million. Itinuloy lamang ng PRC ang testing nang makabayad ang PhilHealth ng kalahati ng kanilang utang.
Pahayag ni Gordon, “Kailangang ‘wag tigilan ang pagte-testing dahil manghahawa ‘yan. Extraordinary diligence dapat ang gawin, bantayan nating maigi para ‘di na magkalat ‘yan.
“Ang nakakalungkot, dapat sila ang mag-a-advance, minsan lang nag-advance, ‘di na kami makatigil dahil marami ang dapat i-test at sa amin ipinadadala lahat. Kami ang nagte-test... OFW (overseas Filipino workers) okay lang naman sa akin basta ‘wag ilagay sa alanganin ang economic situation ng Red Cross.”
Una nang sinabi ng Malacañang na babayaran ng national government ang naturang utang ng PhilHealth.
Pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Magbabayad po ang national government. Napatunayan naman po ng national government na hindi po tumatalikod sa obligasyon ang national government.
“[K]inakailangan lang po i-verify. At kinakailangan po ‘yan sang-ayon pa rin doon sa three-tiered payment scheme ng PhilHealth.”
Samantala, diin ni Gordon, dapat magbayad ng utang ang PhilHealth.
Aniya, “Dapat lang dahil ang utang dapat binabayaran. ‘Pag um-order ka, magbayad ka, mahihirapan ang nagbibigay ng serbisyo.
“Unang-una, dapat ang gobyerno ang nanguna sa testing, eh, kami nasa 1.5 million na ang tine-test namin… natutuwa ako nakakapagserbisyo kami pero ‘di namin kaya na malaki ang utang.”