ni Lolet Abania | June 24, 2021
Pirmado na ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Eleazar ang dismissal order ng pulis na nahuli sa video ng pagbaril sa isang 52-anyos na ginang na ikinamatay nito sa Quezon City noong May 31.
Sa isang statement, sinabi ni Eleazar na titiyakin ng PNP na masusunod ang mga proseso para sa summary dismissal proceedings upang maiwasan ang mga technicalities na maaaring mag-reinstate sa akusadong police officer sa kanilang organisasyon.
“Today, I signed the dismissal order of Police Master Sergeant Hensie Zinampan who was found guilty of Grave Misconduct and Conduct Unbecoming of a Police Officer,” ani Eleazar.
Una rito, nag-waive si Zinampan na magsumite ng isang counter-affidavit para sa naihaing administrative case.
Ayon kay Eleazar, si Zinampan ay kasalukuyang nakadetine habang kinakaharap ang kasong pagpatay.
Ipinunto ng PNP chief na ang pagkakasibak kay Zinampan ay pagpapakita lamang na hindi kinukunsinte ng PNP ang mga mapang-abuso at masamang gawain ng kanilang personnel, habang nagpapatunay ito na nananatili ang mekanismo ng disiplina sa kanilang hanay.
“Let this incident be a warning to all PNP personnel that I will not tolerate wrongdoings in our beloved organization, and a constant reminder for each and everyone of us to live up to what the three important and meaningful words in the PNP Seal — Service, Honor and Justice,” sabi ni Eleazar.
Matatandaang noong May 31, ang biktimang si Lilibeth Valdez ay nasa isang tindahan nang lapitan ng lasing umano na pulis, hinila ang buhok at pinaputukan ng baril sa leeg.
Bago ang insidente, ang anak ng biktima at ang police officer ay nagkaroon ng suntukan.
Una nang itinanggi ni Zinampan ang pagpatay sa biktima kahit pa kitang-kita sa video ang nangyaring insidente ng pamamaril.