top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 30, 2023




Inirekomenda ni Senador Ronald 'Bato' dela Rosa na ibalik ang batuta at pito sa mga pulis matapos ang nangyaring pamamaril sa binatilyong si Jemboy Baltazar.


Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa pagkamatay ng 17-anyos na si Baltazar na binaril ng mga pulis matapos na mapagkamalan nilang suspek sa isang krimen.


"As we were going down the elevator kanina kasama ko si Chief PNP (General Benjamin Acorda), sinabi ko sa kanya na siguro ‘w ag na kayong maghintay pa na gagawa pa tayo ng batas, ang Senado o Kongreso gagawa pa ng batas. Gawin n'yo na ngayon, unahan na ninyo, you make your own policy ibalik n'yo ‘yan as part of the uniform ‘yung batuta at saka ‘yung pito para sige tayo sabi ng force continuum dito from non-lethal to less lethal to lethal pero as part of the uniform, meron ba kayong less lethal equipment d'yan? Wala," sinabi ni Dela Rosa na dating hepe ng PNP.


Kumbinsido si Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na gumamit agad ng baril ang mga pulis sa nangyari kay Baltazar dahil walang "less lethal" na armas ang mga pulis.


"Importante talaga dahil kapag nakita ka ng tao na tumatakbo pituhan mo. That’s a sign of authority. Para hindi tatakbo ‘yun. Hindi ‘yung paputok agad," sabi pa ng senador.


Ayon pa kay Dela Rosa, kung hindi na gusto ng mga pulis ang tradisyunal na batuta, mayroon na ngayon na mga modernong pamalo tulad ng telescopic baton.


Una nang inihayag ni Dela Rosa na dapat gamitin lang ng pulis ang kanilang baril kapag nalalagay sa panganib ang kanilang buhay.




 
 

ni Mai Ancheta @News | August 26, 2023




Mino-monitor ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad ng tinatayang 25 halal na opisyal sa Metro Manila dahil sa posibleng peligro umano sa kanilang buhay.


Ayon kay PNP-National Capital Regional Police Office Spokesperson Lt. Col. Eunice Salas, lumitaw sa threat assessment ng NCRPO na may medium risk threat ang ilang pulitiko sa Metro Manila.


Kabilang sa mga ito ang tatlong kongresista; dalawang alkalde; isang vice-mayor; siyam na barangay chairman; dalawang barangay councilors at isang Sangguniang Kabataan chairman.


Ginawang batayan sa threat assessment ng NCRPo ay ang matinding labanan ng mga pulitiko, may natukoy na grupo ng communist terrorist at insidente ng karahasan sa nakalipas na dalawang eleksyon.


Sinabi ni Salas na maaaring nakatanggap din ang mga halal na opisyal ng aktwal na pagbabanta sa kanilang buhay.


Iniutos na ni PNP-NCRPO Chief Brig. General Jose Melencio Nartatez, Jr. sa lahat ng unit commanders sa NCR na paigtingin ang seguridad at magkaroon ng koordinasyon sa mga personalidad na nakasama sa listahan.


Tiniyak naman ng pamunuan ng NCRPO na maaaring bigyan ng security personnel ang mga pulitiko o indibidwal na may banta sa kanilang buhay, depende sa magiging resulta ng antas ng banta sa buhay ng mga ito.



 
 

ni Madel Moratillo @News | August 24, 2023




Paparusahan ng pamunuan ng Pambansang Pulisya ang mga pulis na masasangkot sa iregularidad.


Ayon kay Lt. Gen. Rhodel Sermonia, Deputy Chief for Administration ng Philippine National Police, iipitin ang sahod ng mga pulis na masasangkot sa iregularidad, katiwalian o pang-aabuso.


Ang pahayag ay ginawa ni Sermonia sa gitna ng pagdinig ng Senado sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar kung saan sangkot ang 6 na Navotas police.


Ito ay para hindi na aniya pamarisan pa ang mga ito ng ibang pulis.


Rerepasuhin din umano ang kaso ng mga pulis na na-dismiss at muling nakabalik sa puwesto.


Aalamin aniya kung sino ang dapat na managot dito.


Nakakahiya aniya na kahit lumaki na ang sahod ng mga pulis ay mayroon pa ring nasasangkot sa iregularidad.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page