top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 27, 2023




Bibigyan ng proteksyon mula sa pulisya ang pamilya ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon. Ito ay matapos matukoy na isang pulis ang "person of interest" sa pagkawala ng beauty queen.


“Nagbigay na tayo ng instruction sa hepe ng Tuy, Batangas na bigyan ng security at assistance itong pamilya ni Miss Catherine,” pahayag ni Police Regional Office (PRO) 4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas sa press conference nitong Biyernes.


Noong Huwebes, inanunsyo ng PRO 4A na ang pulis ang huling kasama ng beauty queen sa araw ng kanyang pagkawala noong Oktubre 12.


Sinabi ni Lucas na ililipat sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) unit sa rehiyon ang imbestigasyon sa kaso dahil pulis ang nasasangkot.


Kasabay nito, isasagawa rin ang isang hiwalay na administratibong imbestigasyon ng Regional Internal Affairs 4A batay sa rekomendasyon ng Regional Committee on Missing and Found Persons.


Pansamantala, inalis sa kanyang tungkulin ang pulis at isinailalim sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit.


Nakadepende sa pag-apruba ng Commission on Elections (Comelec) ang paglilipat sa pulis dahil ipinagbabawal ang police reassignments sa panahon ng eleksyon.


Sinabi ni Lucas na malaki ang pag-asa ng mga awtoridad na buhay pa si Camilon.


Huling nakita ang kandidata ng Miss Grand Philippines 2023 na nagrepresenta sa munisipalidad ng Tuy, noong Oktubre 12 sa isang mall sa Lemery.


Maaaring makipag-ugnayan sa pulis ang sinumang may impormasyon tungkol sa nawawalang beauty queen, sa numerong 0917-3295952.


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | October 24, 2023



Nailigtas ng Philippine National Police Regional Office 7 ang isang Chinese national mula sa umano'y kidnapping gang sa Bohol.


Pinangalanan ang 53-anyos na biktima na si Zheng Ling na pinaghahanap nu'ng Lunes, Oktubre 22, matapos umanong dukutin nu'ng Miyerkules, Oktubre 18.


Agad namang nahanap ang biktima dahil sa isang CCTV footage na nakalap ng PNP Regional Office 7.


Samantala, apat na Chinese nationals at dalawang Pilipino ang nadakip at pinaniniwalaang sangkot sa nangyaring kidnapping kaya ngayon ay iniimbestigahan na.


Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng mga pulisya ang biktima.






 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | October 24, 2023




Patay ang isang lalaki at isang peace-keeping volunteer matapos pagbabarilin ng grupo ng kalalakihan sa Sultan Mastura, Maguindanao del Norte, kahapon.


Kinilala ang mga biktima na sina Abdul Nor Benasing Palog at ang volunteer na si Tahiran Succor.


Ayon kay Sultan Mastura police chief Captain Elmar Elarcosa, bandang tanghali nang makita ng mga witness na pinagbabaril ng tatlong lalaki ang dalawa malapit sa bahay ni Palog.


Narekober ng pulisya ang 30 basyo ng bala mula sa iba't ibang kalibre ng baril.


Sa parehas na araw, dumating ang karagdagang pulis at sundalo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang paigtingin ang seguridad laban sa karahasan.


Nagmobilisa ng aabot sa 8,190 kawani ng Philippine National Police (PNP) sa iba't ibang lalawigan ng Muslim Mindanao.







 
 
RECOMMENDED
bottom of page