top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | August 15, 2023




Dapat isailalim sa retraining ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP).

Ito ang iginiit ng Commission on Human Rights (CHR) matapos ang palpak na operasyon ng Navotas City Police na nagresulta sa pagkamatay ng 17-anyos na si Jemboy Baltazar dahil sa mistaken identity.


Ayon kay CHR Chairperson Richard Palpal-latoc, hindi sapat na isailalim lamang sa refresher course ang buong puwersa ng Navotas Police kundi dapat buong puwersa ng PNP upang hindi na maulit ang ganitong kapalpakan na ang nabibiktima ay mga inosenteng mamamayan.


Mayroon aniyang ibinibigay na training sa PNP patungkol sa human rights at kung susundin ito nang tama ay maiiwasan ang mga ganitong pangyayari.


Matatandaang binaril at napatay ang biktimang si Baltazar matapos mapagkamalan umanong suspek sa target na operasyon ng Navotas Police.


Iginiit din ni Palpal-latoc ang paggamit ng body camera ng mga pulis upang madokumento ang kanilang mga ginagawa sa operasyon na hindi ginawa umano ng Navotas Police sa naganap na insidente.



 
 

ni Mai Ancheta @News | August 13, 2023




Dapat ipatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kamay na bakal sa Philippine National Police (PNP) upang matakot ang mga bulok na miyembro ng alagad ng batas.


Ito ang iginiit ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa harap ng mga insidente ng pagpatay, pagkakasangkot ng ilan sa illegal drug trade at pagiging brutal umano ng ilang miyembro ng PNP.


Ayon kay VACC President Arsenio 'Boy' Evangelista, bumalik na naman ang krimen at may mga pulis na nasasangkot sa ilegal na droga at iba pang krimen matapos ang termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Takot aniya ang mga pulis noon sa dating Presidente kaya dapat ganito rin ang gawin ng kasalukuyang administrasyon.


Panahon na ani Evangelista na maging hands-on si Pangulong Marcos at iparating ang matinding mensahe laban sa mga pasaway at mga bulok na pulis.


"Siguro it's about time that P-BBM should be hands-on from time to time or most of the time. He should be on national TV, kamay na bakal, matinding mensahe tungkol sa kapulisan," ani Evangelista.


Hindi rin pinaligtas ng VACC President ang pagkondena sa pagkamatay ng 17-anyos na binatilyo sa kamay ng anim na pulis sa Navotas na napagkamalang suspek kaya binaril ito.


Sinabi ni Evangelista na hindi rin katanggap-tanggap ang pahayag ng pulisya na isolated case ang nangyari dahil malaking insulto aniya ito sa pamilya ng biktima.


Dapat umanong sumailalim sa regular at quarterly na moral evaluation at anger management training ang mga pulis upang mabawasan ang mga ganitong klase ng insidente.



 
 

ni Madel Moratillo @News | July 22, 2023




Kinalampag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga pulis na nakatalaga sa mga paliparan sa bansa na maging mapagmatyag laban sa human trafficking.


Ayon kay Tansingco, batay na rin sa panayam nila sa mga biktima ng human trafficking, nakukuha nila ang kanilang dokumento sa loob mismo ng bisinidad ng airport.


“Hindi na dapat sila umaabot dito. Bago makarating ng airport ang biktima, ang dami nang pinagdadaanan. Recruited via social media, magbabayaran via wire transfer, tapos mag-aabutan ng pekeng dokumento sa labas ng airport,” pahayag ni Tansingco.


Kailangan aniyang buksan ng mga awtoridad ang mata para hindi malusutan.

“We all have to open our eyes because it’s happening right under our noses,” dagdag pa ni Tansingco.


Mungkahi niya, palakasin ang presensya ng pulisya sa mga paliparan. Isa lang naman aniya ang modus ng mga ito kaya malamang ay sa iisang lugar lang nagkikita.


Ang paglaban aniya sa human trafficking ay nangangailangan ng whole-of-government approach kaya dapat na magtulungan ang lahat.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page