ni Jasmin Joy Evangelista | September 3, 2021
Nagbabala sa publiko si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar na maging maingat sa paggamit ng mga dating apps dahil maaaring nagagamit ang mga ito para sa krimen.
Ito ay makaraang i-raid noong Martes ng Optical Media Board (OMB) ang isang opisina sa Quezon City na napag-alamang sangkot sa cybersex operation.
"Huwag mag-engage sa mga ganyan... kung mayroon kayong ka-chat o kausap doon na mako-compromise o magkakaroon kayo ng intimacy to the point na [iyong] private parts ay ipakita ninyo," ani Eleazar, "tandaan ninyo na 'yan ay nagiging daan para kuhanan nila, basehan na eventually, iba-blackmail na kayo at ang punta noon, extortion na," dagdag niya.
Modus umano sa nahuling cybersex den ang paggamit ng messaging at dating apps para mag-alok ng mga malalaswang litrato o massage services at iba pang serbisyo.
Kapag nakumbinse ang kostumer, gagamitin na ang kanilang credit card details para mangikil at pagnakawan sila.
Inaresto na ng OMB ang 16 na manggagawa na naaktuhang nag-o-operate ng negosyo at susuriin ang mga gamit na nakuha rito upang makakalap ng iba pang impormasyon tungkol sa ilegal na gawain ng naturang opisina.