ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 13, 2021
Naapektuhan ang mga pananim sa ilang barangay sa Batangas matapos maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mataas na lebel ng sulfur dioxide sa Bulkang Taal.
Ayon sa PHIVOLCS, natuyo ang mga pananim sa Barangay Banyaga, Bilibinwang at Subic Ilaya. Nakaranas din umano ng pangangati ng lalamunan ang mga residente ng nasabing mga barangay dahil sa ibinubugang sulfur dioxide ng Bulkang Taal.
Sa latest Taal Volcano Bulletin ng PHIVOLCS, wala naman umanong na-detect na volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras ngunit naitala rin ng ahensiya ang sulfur dioxide emission na 2,009 tonnes/day noong June 12 na senyales ng patuloy na paggalaw ng magma.
Nananatiling nakataas sa Alert Level 2 ang Taal Volcano at paalala ng PHIVOLCS sa publiko, sa naturang alert level, possible ang biglang pagbuga nito ng steam o gas-driven explosions, volcanic earthquakes at minor ashfall. Ipinagbabawal din ng PHIVOLCS ang pagpunta sa Taal Volcano Island, Taal’s Permanent Danger Zone (PDZ), lalo na sa lugar malapit sa main crater nito.