ni Lolet Abania | April 21, 2022
Niyanig ng magnitude 6.2 na lindol ang Manay, Davao Oriental ngayong Huwebes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa report ng PHIVOLCS, alas-5:57 ng madaling-araw naitala ang pagyanig na tectonic ang pinagmulan habang may lalim ito na 58 kilometro.
Ayon sa PHIVOLCS, walang naitalang pinsala sa mga imprastraktura dahil sa lindol at aftershocks. Gayundin, ini-report ng Reuters na base sa US Tsunami Warning System, walang naganap na tsunami warning matapos ang pagyanig.
Samantala, ayon sa Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MRRMO), isang paaralan sa Manay, Davao Oriental ang nagkaroon ng mga cracks matapos ang naganap na magnitude 5.3 na lindol nitong Miyerkules ng hapon.
“Meron kaming nakita na mga cracks din sa walls ng aming paaralan sa Barangay San Ignacio (We saw some cracks on the walls of our school in Barangay San Ignacio),” sabi ni MDRRMO head Cesar Camingue sa isang interview ngayong Huwebes.
Ayon kay Camingue, ininspeksyon na ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang napinsalang eskuwelahan, kung saan aniya, isang klasrum lamang ang idineklarang off limits sa ngayon.
Sinabi naman ni Camingue na wala silang na-monitor na anumang senyales ng posibleng tsunami nang kanilang itsek ang mga coastal areas ng Manay matapos ang lindol. Binanggit din ng opisyal na ang naturang bayan ay nakaranas ng maraming pagyanig nitong nakalipas na tatlong araw.