ni Lolet Abania | May 18, 2022
Niyanig ng dalawang lindol ang probinsiya ng Masbate ngayong Miyerkules ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa ulat ng Phivolcs, ang unang lindol ay nagtala ng magnitude 3.8 na tumama 6 kilometro hilagang-silangan ng Masbate City ng alas-9:29 ng umaga at may lalim na 10 kilometro.
Naramdaman ang pagyanig na naitalang Intensity IV sa Masbate City at kalapit na bayan ng Aroroy, at Intensity II sa San Jacinto, Masbate. Inilarawan ng mga state seismologists ang Intensity IV bilang “moderately strong”, kung saan ang vibration ay naramdaman gaya ng pagdaan ng malaking truck habang ang nakasabit na mga bagay anila, “swing considerably.”
Bandang 9 na minuto matapos ang unang lindol, isang malakas na pagyanig na may magnitude 4.8 ang tumama 7 kilometro hilagang-silangan ng bayan ng Mobo, at may lalim na 5 kilometro, ayon sa Phivolcs.
Sinabi ng Phivolcs, naitala ang tinatawag na “strong” Intensity V sa Masbate City. Sa nasabing intensity, ang malakas na pagyanig ay posibleng naramdaman sa mga gusali, matinding gumalaw ang mga nakasabit na bagay at ramdam ang pag-uga sa mga sasakyan.
Sa isang video, ang mga empleyado ng Department of Education (DepEd) sa Masbate ay makikitang nagsialisan sa kanilang mga opisina matapos tumama ang ikalawang lindol.
Ayon pa sa Phivolcs, wala namang inaasahang aftershocks, habang wala ring naitalang napinsala matapos ang dalawang lindol.