ni Mai Ancheta | May 27, 2023
Niyanig ng magkahiwalay na malakas na lindol ang mga lalawigan ng Batanes at Masbate nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala sa magnitude 5.6 ang lindol sa Batanes pasado alas-10 ng gabi kung saan ang epicenter nito ay 33 kilometro hilagang silangan ng bayan ng Itbayat.
Naramadam ang pagyanig sa mga bayan ng Itbayat (intensity 3), Basco at Mahatao (intensity 2), at Ivana (intensity 1).
Pasado alas-11 naman ng gabi nitong Huwebes ay nilindol din ang Uson, Masbate na naitala ang lakas sa magnitude 5.0.
Naramdaman ang lindol sa Masbate City (intensity 3), at intensity 2 naman sa mga bayan ng Naval, Biliran, at Villaba, Leyte.
Walang naiulat ang Phivolcs na matinding pinsala sa dalawang magkasunod na malakas na lindol subalit asahan pa rin ang mga aftershocks.